Halos 100% na umanong handa nang i-deliver sa iba’t ibang dibisyon ng Department of Education (DepEd)-MIMAROPA ang mga naimprinta ng Self-learning Modules (SLMs) para sa pasukan sa Oktubre 5.
Ito ang kinumpirma ng tagapagsalita ng DepEd- MIMAROPA na si Sherelyn Laquindanum sa PIA Mimaropa Virtual Presser kahapon, Setyembre 25.
Sa presentasyon ni Laquindanum, sa 9,378,906 na printed SLMs para sa first quarter, nasa 9,235,238 na o katumbas sa 98.46 percent ang “ready for distribution” na nagsimula rin kahapon at tatagal hanggang sa Oktubre 4.
Aniya, ang nasabing modules ay mayroong 1:1 ratio o isang kopya sa bawat mag-aaral.
Mas pinili umano ng MIMAROPA Region na modular ang pinakagagamitin sa pagpapatuloy ng klase sa ilalim ng new normal dahil sa COVID-19 pandemic at supplemental naman ang TV at radio-based programs ng ilang paaralan sa rehiyon.
Malugod ding ipinabatid ng tagapagsalita ng Kagawaran na bago ang pormal na pagbubukas ng klase ay nakapagsanay na sila ng 27,472 mga guro at 477,122 mga magulang para sa Distance Learning Modalities, maliban pa aniya sa pagsasagawa pa ng seminar ng mga eskwelahan sa 4,133 magulang.
Para sa bagong istilo ng pagtuturo, nakapagsagawa na rin umano ang 2467 mga paaralan ng dry-run hanggang noong Setyembre 19 at 366 naman mula noong Setyembre 14 hanggang sa Oktubre 5.
Ipinaliwanag din ni Laquindanum na ang SLMs na ginagamit ngayon ng DepEd sa buong bansa ay dalawang set na kung saan ang una ay mula sa central office habang ang isa ay localized o ginawa ng mga guro sa kada dibisyon sa lalawigan o siyudad.
Aniya, ang main modules na mula sa central office na gagamitin ng mga paaralan sa buong bansa ay nakabase sa “most essential learning competencies” habang ang localized naman ay magsisilbing supplemental modules para sa mga lesson na nakalagay sa standard modules.
Sa kabuuan, mayroong 2,418 pampublikong eskwelahan sa MIMAROPA ang gagamit ng printed modules, na kung saan kabilang na ang 101 paaralan sa Division of Puerto Princesa City at 865 sa Division of Palawan.
Dagdag pa ni Laquindanum, may supplemental modality din gaya ng television-based instruction (TBI) at radio-based instruction (RBI). Nasa 48 paaralan naman sa Division of Romblon ang magkakaroon ng TV-based instructions, isang RBI sa Division of Oriental Mindoro at 102 RBI naman sa Division of Palawan.
Ayon pa sa opisyal, dahil nasa procurement process pa lamang ang mga pledge na tablet ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, sa pasukan ay printed SLMs muna ang gagamitin ng mga senior high school at lilipat naman sila sa digital SLMs kapag dumating na ang nasabing mga gadget habang ang mga paaralan namang kasama sa RBI ay gagamit ng Modular Distance Learning bilang main modality at support modality ang radyo.
Ang mga munisipyo naman sa Palawan na gagamit ng radyo para sa pagtuturo ay ang Aborlan, Bataraza at Coron.
“Ang radio-based instruction will be supplemental modality, the main modality will be the printed module talaga,” saad pa ng spokesperson ng DepEd-MIMAROPA.
Sa kasalukuyan ay hindi pa umano batid kung kailan magiging operational ang nasabing mga radio station sapagkat kailangan pa nilang kumuha ng permit sa pagpapatayo nito na dahilan naman upang pansamantalang magpi-printed modules muna ang mga mag-aaral.
“Ang problema nila ay hindi sila makapagtayo ng radio stations because, nire-require sila ng permit from DPWH. So, sumulat na sila sa NTC-MIMAROPA, ini-refer sila ngayon sa NTC central office for their concern. Inaayos ko…kung paano pwede sila matutulungan kasi very willing naman talaga ‘yong magfi-finance ng radio stations, ‘yon lang ang problema ay permit,” ani Laquindanum.
Aniya, hindi na rin bago sa lalawigan ang radio-based instruction dahil ginagamit na rin ito sa ALS kaya hindi na sila mahihirapan pa sa pagpapatupad nito.
“Yong mga radio-based, ‘yong mga transistor radio. Alam mo naman ang Palawan, maraming mga unreached areas na wala talagang signal, mahirap talagang ma-reach na areas. So, ‘yong radio-based instruction ang pinakamabilis at efficient na kanilang magagamit, lalo na ‘yong mga nasa isla, ‘yong mga nasa bundok kaya mass preferred nila ang radio-based instruction. Pero ‘yon nga, may challenge ngayon, hindi pa ‘yon magagawa sa ngayon, so magmo-modular muna sila,” dagdag pa niya.
Samantala, ang Learning Continuity Plan ng DepEd-MIMAROPA ay nakabase sa MIMAROPA ‘LIVES’ Framework. Sinasalamin ng acronym na “LIVES” ang “Learners and Employees health: Top Priority,” “Internal & External Partners are Actively Engaged,” “Varied Learning Modalities Available,” “Empowered Teachers and Staff with KSAVs,” at “Safe Learning Continuity in Place.”
Discussion about this post