Nasa ilalim na ng Signal No. 2 ng Bagyong “Tisoy” ang buong Calamianes Group of Islands base sa pinakahuling forecast ng weather bureau dakong alas otso ng gabi kanina lamang.
Bunsod nito ay makararanas ang hilagang bahagi ng Calamianes Group of Islands ng malakas na hangin, maalong karagatan, at malakas na buhos ng ulan sa kasunod na 24 oras.
May kabuuang limang munisipyo sa lalawigan ng Palawan naman ang nagsuspende na ng klase bunsod ng pananalasa ng bagyong “Tisoy” na may international name na “Kammuri.”
Sa inilabas na abiso ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng lalawigan ng Palawan, nakasaad na prehong suspendido ang klase sa lahat ng lebel sa mga Bayan ng Culion at Sofronio Espanola dahil sa pananalasa ng nasabing bagyo.
Sa Munisipyo ng Busuanga at Coron naman ay suspende na rin ang kanilang klase sa lebel ng preschool hanggang elementarya.
Habang sa Araceli, ang mga lugar na nakapalibot sa baybayin ay pinasuspende ang klase mula preschool hanggang elementarya habang sa ibang bahagi ay preschool hanggang high school. Mayroon ding mga isla ang may parehas na preparasyon.
Bilang paghahanda sa sakuna, isang barangay sa Busuanga ang isinailalim sa preemptive evacuation sa Sitio Dimipac, Brgy. Buluang habang isang barangay din sa Coron ang kasalukuyang pinalilikas.
Kasabay din sa abiso ng walang klase ay ang activation ng mga Emergency Operations Center (EOC) sa mga bayan ng Busuanga, Coron, Culion, Linapacan, Agutaya, Araceli, Dumaran, Provincial Capitol sa lungsod ng Puerto Princesa, Aborlan, Rizal, Taytay at Sofronio Española.
Discussion about this post