Isang low-pressure area (LPA) sa kanlurang bahagi ng Luzon ang sinusubaybayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa gitna ng inaasahang pagtindi ng ulan dulot ng southwest monsoon o habagat.
Sa ulat ng PAGASA ngayong Lunes ng umaga, namataan ang LPA sa layong 85 kilometro kanluran-hilagang kanluran ng Bacnotan, La Union. Bagamat wala pang opisyal na bagyo sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa mga eksperto ay may posibilidad itong maging tropical cyclone sa Martes o sa mga darating na araw.
“Ang galaw nito ay patungong kanluran, palabas ng ating bansa. Ngunit habang narito pa ito sa loob ng PAR, may posibilidad na lumakas ito at matawag na bagyong ‘Auring’,” ayon kay weather specialist Obet Badrina.
Bagamat inaasahang lalabas din sa PAR ang nasabing LPA, may mas malawak itong epekto sa kasalukuyang panahon sa bansa. Ayon kay Badrina, pinapalakas ng LPA ang habagat, isang sistemang nagpapadalang ng ulan sa kanlurang bahagi ng bansa tuwing tag-ulan.
“Mararamdaman ang epekto ng habagat lalo na sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas.
Inaasahang magpapatuloy ang mga pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha sa ilang lugar,” aniya.
Habang walang direktang bagyong inaasahan na tatama sa lupa, ang pag-iral ng habagat ay sapat nang magdulot ng mga abala, kabilang ang pagkaantala ng biyahe, pag-apaw ng mga ilog, at pagbagsak ng mga lupa sa mga bulubunduking komunidad.
Sa Mindanao, inaasahan ang mga kalat-kalat na pag-ulan na may kasamang pagkidlat at pagkulog, samantalang mas kaunti ang posibilidad ng ulan sa ilang bahagi ng Cagayan Valley.
Wala pang itinaas na gale warning sa alinmang baybaying-dagat ng bansa, ayon sa PAGASA.
Gayunpaman, hindi ibig sabihin nito ay ligtas na ang mga coastal community mula sa epekto ng habagat at posibleng pag-ulan.
Sa mga nakaraang taon, maraming pagbaha at landslide sa bansa ang hindi bunsod ng direktang pagtama ng bagyo, kundi ng mga indirect effect ng habagat na pinapalakas ng mga weather disturbances tulad ng LPA.
Habang binabantayan ang pag-usad ng sistemang ito, nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na manatiling nakaantabay sa mga abiso ng PAGASA, lalo na sa mga lugar na madaling bahain o may banta ng pagguho ng lupa.
Ang pangalang ‘Auring’ ay ang unang pangalan sa listahan ng mga bagyo sa bansa ngayong taon. Maaaring ito ang kauna-unahang tropical cyclone ng 2025 kapag tuluyang lumakas ang kasalukuyang LPA.