Umaabot na sa labing dalawa (12) munisipyo sa lalawigan ng Palawan ang naideklarang Drug Cleared Municipality. Ito ay matapos mapabilang sa listahan ang tatlong karagdagang munisipyo na kinabibilangan ng Agutaya, Sofronio Española at Roxas.
Matatandaan na naideklara na ring drug-cleared ang mga munisipyo ng Quezon, Kalayaan, Linapacan, Dumaran, Cuyo, Cagayancillo, Araceli, Magsaysay at Busuanga. Mayroon nang kabuoang bilang ngayon na 143 drug cleared barangays sa buong lalawigan ng Palawan.
Ang mga datos para dito ay iprinisenta sa isinagawang Regional Oversight Committee Validation/Revalidation and Declaration of Drug Cleared Barangays and Municipalities na ginanap noong ika-10 ng Hunyo, taong kasalukuyan sa Legislative Building, Provincial Capitol Complex. Ang Regional Oversight Committee ay kinabibilangan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pangunguna ni DIR. II Mario Da Ramos, DILG MIMAROPA Regional Director; Florida M. Dijan, RPOC Chairman; Oriental Mindoro Governor Alfonso Umali, PRO MIMAROPA Regional Director PBGEN. Tomas C. Apolonario Jr.; at DOH MIMAROPA Regional Director Dr. Mario S. Baquilod.
Umaasa ang komite sa ilalim na rin ng kautusan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pangunguna ni Gobernador Jose Ch. Alvarez na patuloy pang madaragdagan ang bilang ng mga Drug Cleared Municipalities at Barangays sa lalawigan ng Palawan sa mga susunod na revalidation.
Kaugnay nito ay patuloy din na pinalalakas ang mga aktibidad at programa ng Provincial Anti Drug Abuse Program (PADAP) sa Palawan upang hindi na rin bumalik pa sa iligal na paggamit ng ipinagbabawal na gamot ang mga drug surrenderees at maiwasan ang pagkalulong dito ng iba pang mga mamamayan.
Discussion about this post