Matagumpay na naisakatuparan ang pagpupulong ng Palawan Culture and Arts Council noong ika-11 ng Hunyo, taong kasalukuyan na ginanap sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng gusaling Kapitolyo kasabay ng isinagawang Workshop on Documentation and Consolidation of Data for Local Cultural Inventories na itinaguyod ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.
Ang naturang pagpupulong ay pinangunahan ni G. Ceasar Sammy A. Magbanua, na tumatayo vice-chairman ng naturang konseho at kasalukuyang hepe ng tanggapan ng Culture and Arts Office ng Pamahalaang Panlalawigan.
Tinalakay dito ang pagpapalawig ng mga programa at adhikain ng Palawan Culture and Arts Council sa mga munisipyo ng lalawigan batay sa isinasaad ng mga polisiya na ipinatutupad para dito. Halimbawa nito ay ang Article V, Section 14 (b) sa ilalim ng Republic Act No. 10066, ang NCCA-Department of the Interior and Local Government (DILG) Joint Memorandum Circular No. 2018-01 o ang Philippine Registry of Cultural Property na kung saan ay inaatasan ang lahat ng pamahalaang lokal na magsagawa ng maigting na imbentaryo ng kanilang mga ari-ariang kultural (cultural property) at ang pagmamantine nito bilang tagong yaman ng bansa.
Tampok rin sa pagpupulong ang pagdagdag ng iba pang miyembro na magiging katuwang sa pagsasakatuparan ng mga programa ng konseho.
Ayon kay G. Magbanua, ang pagpupulong na ito ay isang malaking oportunidad para sa mga lokal na pamahalaan ng lalawigan upang mabigyan ng sapat na atensyon ang hanay ng sining at kultura sa kani-kanilang mga bayan.
“This will be a great opportunity for LGUs, kasi makakapag-focus tayo for culture and arts program and magagawa natin ang lahat ng programs to preserve our culture and arts sa ating locality kasama diyan ang research and other cultural related activities.”
Ilan rin sa nakalinyang mga gawain na nakatakdang isakatuparan ng konseho ay ang pagpapalakas ng ugnayan sa mga ahensiyang tutugon sa pangangailangang kultural at pansining sa lalawigan, gayundin ang pagsuporta sa mga pananaliksik na nakatakdang pangunahan ng mga unibersidad at kolehiyo sa Palawan.
Ipinaliwanag naman ni Gng. Mary Rose P. Caabay, tagapangasiwa ng Palawan Heritage Center sa Kapitolyo, ang kahalagahan ng mga cultural officers at coordinators sa isang pamahalaang lokal para sa mga nais magkaroon ng pagkilala mula sa DILG sa pamamagitan ng Seal of Good Local Governance (SGLG). Aniya, isa ang component ng culture and arts program sa basehan ng mga ito upang mapabilang sa naturang parangal. Magkaiba rin umano ang trabaho na ginagampanan ng cultural officers at tourism officer kung saan ay madalas na pinagsasama ng mga lokal na pamahalaan bilang isang tanggapan.
Discussion about this post