Kanselado ang tour sa Puerto Princesa Underground River matapos na hindi payagan ng Philippine Coast guard na maglayag ang mga bangka dahil sa zero visibility sa dagat dulot ng masamang panahon, pero ayos naman umano ang kanilang jungle trail.
Dahil dito ay humingi ng paunmahin ang PPUR management sa mga naapektuhan ng kanselasyon.
Samantala, sinuspende naman ng City government ang pasok sa paaralan ngayong araw ng Huwebes dito sa Lunsod ng Puerto Princesa dahil sa patuloy na nararansang malakas na ulan simula pa kagabi.
Ayon kay City Information Officer Richard Ligad, suspendido ang klase mula kindergarten hanggang grade 12 sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
Ngayong hapon ay sinuspende na rin ang klase ng mga kolehiyo.
Sa anunsyo naman ng City Disaster Risk Reduction Management Office sa kanilang official Facebook page, maliban sa masamang panahong nararanasan sa syudad, kabilang sa mga rason kung bakit sinuspende ang klase ngayong araw dahil sa pagkawala ng daloy ng kuryente at water interruption.
Ayon sa Pagasa kaninang 9:30 ng umaga, ang Tropical Depression ay pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) at pinangalanang “MARILYN”.
Ito ang dahilan kung bakit nakakaranas ng masamang panahon ang malaking bahagi ng bansa kabilang na ang lungsod ng Puerto Princesa.
Samantala, kinumpirma naman sa Palawan Daily News ni CDRRM Officer Earl Timbancaya na patuloy ang kanilang ginagawang pag monitor sa buong syudad para malaman kung may naapektuhan ng masamang panahon.
Discussion about this post