Ipatatawag sa Committee on Education and Sports ng Provincial Board ang pinuno ng Department of Education-Palawan kaugnay sa binitiwang pahayag na tanging ang mga atleta lamang umanong posibleng makakukuha ng gintong medalya ang dadalhin at isasabak sa susunod na Palarong Panlalawigan.
Nabuksan ang usapan nang magbigay ng talumpati si Board Member David Francis “Bon” Ponce de Leon kaugnay sa balitang binanggit umano ni DepEd-Palawan Superintendent, Dr. Natividad Bayubay ang nasabing pahayag.
“As a parent, I believe that sports competition is not about winning but a competition itself. So, I have many questions on her statement,” ang bahagi ng pahayag ni BM Ponce de Leon sa kanyang privilege speech sa kanilang regular na sesyon noong ika-19 ng Nobyembre.
Nagpahayag naman ng lubos na pagsuporta sa mga tinuran ni Ponce de Leon si Board Member Sharon Abiog-Onda, chairman ng Committee on Education and Sports at tinawag pa niyang “shocking news” ang napag-alamang impormasyon.
IKINALUNGKOT ANG BALITA
“It’s very sad on our part to know na ‘yun lamang [na mga atleta] ang mabibigyan ng oportunidad. After all, hindi pa natin alam kung sino sa mga manlalaro natin sa lalawigan ng Palawan ang may potensiyal na makapaglaro on Provincial level, on Regional level. So, wala po tayo sa posisyon na mag-judge [sa kanila],” komento ni Onda.
Kaya napagkayarian nilang ipatawag ang opisyal upang masagot ang kanilang mga katanungan at malaman na rin kung ano ang dahilan ng kanyang pahayag noong bago magtapos ang pagdaraos ng Provincial Meet sa Munisipyo ng Bataraza kamakailan.
Si BM Ryan Maminta naman na mula sa Bayan ng Narra, ang bayang namayagpag sa katatapos na Palarong Panlalawigan, ibinahagi niya sa kanyang mga kasamahan ang sa tingin niyang isang epektibong paraan kaya palagi silang kampeon sa Palaro na mula pa umano noong 2014-2015 at maging hanggang ngayong 2019.
“We have in the Municipality [of Narra] a so-called program ‘Project Strong’ being held right after the opening of classes to select the best and most competitive athletes from elementary to secondary level. This project is being held almost every month; it is funded by the Municipal Government and the District Offices of the Municipality of Narra,” masayang kwento ni Maminta.
Sa selection process ay pinipili umano ang mga atletang “the best” at akmang ilaban sa Palarong Panlalawigan kaya makikita umanong palagian silang nagwawagi sa kompetisyon. Sa katunayan, ang Narra ang tinanghal bilang over-all champion at nakapag-uwi ng 69 gold medals ngayong taon.
“So maybe, this is the one that the Division Superintendent would like to duplicate to other municipalities. However, we want to clarify her statement before the media on the recently concluded Palarong Panlalawigan,” wika niya.
PANTAY NA PAGKAKATAON PARA SA MGA ATLETA
Sa hiwalay namang pakikipagpayanam ng local press kay Ponce de Leon, iginiit niyang hindi maganda ang ganoong istilo ng pagpili ng mga atleta. Tanong pa niya, “paano ang mga silver at bronze medalists.”
“Bigyan natin ng equal chance ang mga athlete kasi nabanggit nga ni Dr. [Bayubay] na parang paliliitin na ‘yung contingent, less than 50 per cent na ang ipadadala. Kaya gusto nating ipatawag para malaman natin ang dahilan ng statement niya at saka kung para malaman na rin natin kung ano ang maaaring mangyari kung ipatutupad ang kanilang kagustuhan,” aniya. Ayon sa bokal, lubha siyang nagulat nang mabasa ang balita mula sa interbyu ng press sa hepe ng Division of Palawan.
“Na-rattle tayo roon,” aniya. “Tapos upon checking kanina with my colleagues, ‘yun din pala ang saloobin nila; nagtaka rin sila, ba’t inaalisan ng chance ‘yung mga athletes,” komento pa ni Ponce de Leon.
“But on their side siguro, [baka] they’re thinking about the funds, but kung ‘yung funds naman [ang dahilan], I know, ang province, tumutulong, ang munisipyo tumutulong [din]. So, baka ‘wag na nating idamay ang mga kabataan natin,” panawagan pa niya sa DepEd.
PAALAALA NG HEPE NG DEPED-PALAWAN
Matatandaan namang sa pakikipagpulong ni Superintendent Bayubay sa mga public schools district supervisors sa Bataraza bago natapos ang Provincial Meet ay mahigpit niyang ipinaalaala na ang Palarong Panlalawigan ay hindi paramihan ng mga atleta kundi kompetisyon at selection process para sa Regional Athletic Meet.
Binigyang-diin niya ang pagkunsidera sa posibilidad na magwagi ng ipadadalang mga atleta at inihalimbawa na hindi na kailangang ipadala sa kompetisyon ang manlalaro sa athletics o swimming kung ang hawak niyang oras ay mas mahaba o hindi kayang pantayan o higitan pa ang umiiral na rekord.
Aniya, nararapat ding magpokus ang mga munisipyo sa kung saan sila may potensiyal na magkampeon at magwagi.
Iginiit din ni Dr. Bayubay na kailangang isaalang-alang ang halaga ng badget sa pagpapadala ng mga atleta sa patimpalak paligsahan upang hindi humantong sa pagsaalang-alang sa kaligtasan at kapakanan ng mga atletang mag-aaral. Aniya, kung ang pondo ay sapat lamang para sa limang manlalaro ay iyon lamang din ang ipadala.
Ang nasabing pahayag ay bilang katugunan umano niya sa nag-viral sa social media na larawan ng delegasyon ng Bayan ng Jose Rizal na kung saan, sa isang trak na service vehicle ng mga atleta ay nakatayo lamang sila sa ilang oras na byahe. Kaya mahigpit na ipinaalala ng opisyal na dapat laging isinasaalang-alang ang kaligtasan ng mga estudyante hindi lamang sa loob ng paaralan kundi maging sa pagsasagawa ng mga school-related activities sa labas ng eskwelahan.
Discussion about this post