PUERTO PRINCESA CITY —- Isinalang sa Question and Answer Hour ng ika-105 na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ang mga namumuno ng mga ahensya ng pamahalaang nasyunal na may kinalaman sa usapin ng kakulangan sa suplay at mataas na presyo ng bigas sa lalawigan. Layon ng imbitasyon na matukoy ang mga dahilan ng problema at makahanap ng solusyon para dito.
Ayon kay OIC-Provincial Agriculturist Jane Buenaobra, base sa mga datos ay sapat ang produksyon ng bigas sa populasyon ng lalawigan na mahigit isang milyon. Ang problema umano ay hindi naisaalang-alang sa kalkulasyon ang pagdating ng mga turista sa lalawigan, lokal man o mga dayuhan, pati na rin ang pagkakaroon ng pest and diseases at mga natural na kalamidad na nakakapagpababa ng ani ng mga magsasaka.
Ipinaliwanag niya na bagaman nagbebenta ng bigas ang mga lokal na magsasaka sa National Food Authority (NFA), sa kanilang obserbasyon ay nasa 50 hanggang 80 porsyento ang naibebenta ng mga ito sa private traders kaya ang kontrol ng presyo ng bigas ay nasa kamay umano ng private traders.
Nilinaw naman ni Gng. Maria Lewina Tolentino, Provincial Manager ng NFA, na ginagawa ng kanilang ahensya ang kanilang trabaho na bumili ng palay sa mga magsasaka at magtalaga ng buying stations ngunit aminado naman siya na nahirapan sila kamakailan na bumili ng palay sa ating mga magsasaka sapagkat mas mataas ang presyo ng pagbili ng private traders.
Ngunit ayon kay Board Member Albert Rama, maliban pa sa pagdating ng mga turista sa lalawigan at mga kalamidad ay hindi rin naisaalang-alang sa mga pag-aaral ang pagluluwas ng ating mga bigas sa ibang mga probinsya sa bansa. Kinuwestyon ng lokal na mambabatas ang kakayanan ng 131 retail stations ng NFA sa buong lalawigan na masuplayan nang sapat ang isang milyong populasyon ng Palawan sapakat naniniwala siya na kulang pa rin ang mga ito.
Ayon naman kay Board Member Winston Arzaga, nakapagtataka umano na mataas pa rin ang presyo at kinukulang pa rin sa supply ng bigas ang lalawigan kung ang lumalabas sa datos ay sapat ang bigas para sa mga Palaweño. Ang kanyang ipinapalagay na dahilan ay maaaring hindi naipapamahagi nang maayos sa lalawigan ang bigas o may hoarding na nagaganap. Dagdag pa nito na kung nakadalo ang kinatawan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa sesyon ay maaaring mabigyang linaw sa kanilang imbestigasyon kung saan napupunta ang supply ng bigas sa lalawigan (PR).
Discussion about this post