LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Dahil sa kakulangan ng mga aggregates at mga iba’t-ibang istraktura sa daan, naantala sa ngayon ang P33.5 bilyong halaga na road widening project sa probinsya ng Palawan.
Ayon kay Engr. Rodolfo V. Vicquerra ng Department of Public Works and Highways (DPWH), dahil sa kakulangan ng mga aggregates sa lalawigan kinakailangan pang umangkat ang mga kontraktors sa ibang lalawigan katulad ng probinsya ng Antique, pero dahil sa masama ang panahon ay naantala ang pagdeliver ng nasabing materyales.
Nagiging dahilan din sa pagkabalam ng proyekto ang mga nakalatag na fiber optic cables ng dalawang kilalang telecommunication network, mga poste ng Paleco at mga istruktura na masasagasaan katulad ng mga bahay at establisyemento na itinayo sa gilid ng kalsada.
Kaugnay nito, ang mga apektadong residente ay pinapayuhang magtungo sa tanggapan ng DPWH sa distritong nasasakupan ng kanilang lugar dala ang kanilang mga lehitimong dokumento katulad ng titulo o Tax Declaration upang maisaayos ang usapin.
Iba’t-ibang mga engineers ng DPWH ang dumalo sa Question and Answer Hour ng Sangguniang Panlalawigan ubang mabigyang linaw ang pagkabalam ng nasabing proyekto, kabilang dito sina Engr. Melly I. Elanga ng DPWH Regional Office at sina District Engineer Amelia B. Fajardo ng DPWH Ist Engineering District, Engr. Conrado Aguila Jr ng DPWH Third Engineering District at District Engr. Alejandro M. Ventilacion ng Second Engineering District noong nakalipas na linggo, Martes ika-14 ng Agosto 2018.
Ang pagdalo ng DPWH sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ay pagpapaunlak sa imbitasyon ng Junta Probinsyal upang magbigay ulat sa estado ng ginagawang road widening project sa Lalawigan ng Palawan na tinatayang nagkakahalaga ng 33.5B at inaasahang matatapos ang proyekto sa taong 2022.
Sa pahayag ni District Engineer Amelia Fajardo ng First Engineering District, tinuran nito na problema ng mga kontraktor ang pagkukunan ng suplay ng materyales para sa proyekto pangunahin dito ang suplay ng graba. Samantala, tuloy-tuloy naman ang pagpapatupad ng iba’t ibang infrastructure projects sa unang distrito na may badyet na 2.6 bilyong piso kasama dito ang mga Dep-Ed projects at farm to market roads.
Nag-ulat din si District Engineer Ventilacion na problema rin nila ang suplay ng graba, sa Second Engineering District. Ayon sa opisyal, hindi kayang tugunan ang pangangailangan ng mga lokal na supplier ng graba na kung meron man ay masyadong malayo ang pinagkukunan nito. Bunsod nito ay nagbigay ng reaksyon si BM Albert Rama at ayon sa opisyal “sa pagsali palang ng mga kontratista sa bidding dapat inalam na agad nila ang situwasyon at lokasyon ng proyekto upang mapaghandaan ito at hindi maging problema.”
Sa kasalukuyan ay may release na pondo ang national government na umabot sa tatlong (3) bilyong piso para sa 18 projects na road widening at 1.78 bilyong piso sa regular infra ayon kay District Engineer Ventilacion.
Dumalo rin sa Q&A si Engr. Saylito M. Purisima, tagapamahala ng PEO-INFRA Projects sa lalawigan kung saan kanyang ibinalita na inaayos na ang mga nasirang kalsada dahil sa malakas na ulan. Nagpapasalamat siya sa mga netizens na nagpadala sa social media ng mga reaksyon patungkol sa nasirang kalsada dulot ng masamang panahon dahil hindi raw siya pwedeng maging visible ng 100% sa lahat ng lugar ng lalawigan.
Binanggit din ni BM Rama sa mga inhenyero ng DPWH ang kakulangan ng mga signage’s at warning devices sa mga national roads at mga kalsadang ginagawa. Ito ay agad naman sinang-ayunan ng mga opisyales ng DPWH at ito ay kanilang bibigyan ng karampatang aksyon (PR).
Discussion about this post