Sumailalim sa drug test kamakailan ang 22 tauhan ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) na naka-assign sa City Intelligence Unit (CIU) at City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU).
Sa impormasyong nakalap ng Palawan Daily, isinagawa ang drug test sa Puerto Princesa City Crime Laboratory Office (PPCCLO) bandang ika-9:30 ng umaga noong Mayo 21 at base umano sa resulta ay negatibo ang lahat sa presensiya ng Methamphetamine at THC-metabolites na kapwa mapanganib na droga.
Ayon kay PCapt. Pearl Manyll Lamban-Marzo, officer in charge ng City Community Affairs and Development Unit (CADU), lubos ang kasiyahan ng PPCPO sa resulta ng nasabing drug test na aniya’y bahagi ng internal cleansing ng kabuuang hanay ng Philippine National Police (PNP).
“Nang ma-receive ito ng ating City Director, masaya siya at proud sa ating mga personnel although… umpisa pa lang alam niya [na wala sa kanila ang magpopositibo sa droga], kaya lang kailangan nating i-comply ‘yung internal cleansing natin. So, ito ay nagpapatunay na ang ating mga personnel ay hindi gumagamit ng iligal na droga,” ani Marzo.
“Ito ay nagpapatunay na ang ating personnel talaga ay doon tayo sa misyon natin na ‘To Serve and Protect’ and at the same time, tayo mismo ay sumusunod din sa batas na ipinatutupad,” dagdag pa niya. Dagdag pa ni PCapt. Marzo, ang ginawang drug test ngayong Mayo ay ikalawa na ngayong taon; ang una ay ginawa noong buwan ng Pebrero. Karaniwan umanong buwanang ginagawa ang nasabing compliance ngunit naapektuhan ng pagdating ng COVID-19.
Ngunit paglilinaw ng opisyal, bagamat buwan-buwan itong ipinatutupad, maliban pa sa random drug test, ang petsa at kung sinu-sino ang sasailalim sa drug testing ay tanging ang mga pinuno lamang umano ang nakaaalam.
Inaasahan naman umano ni City PNP Director Marion Balonglong sa susunod na gagawing drug test ay muling walang magpopositibo sa paggamit ng illegal drugs sa kanilang hanay.
Ngunit tiniyak din umano ng hepe ng City PNP na kung sakaling may magpositibo sa drug testing ay agad-agad itong paiimbestigahan ng pamunuan sapagkat walang kinokonsinte sa kanilang mga tauhan.
“At ‘yun nga ang reminders niya (City Director Balonglong). Actually, ayaw na ayaw niya nga ho ‘yan pagdating sa iligal na droga, so, hindi naman po natin ‘yan ito-tolerate, [kaya] paiimbestigahan ‘yan at kapag napatunayan ho ay may kaukulang kaso na isasampa sa personnel natin,” pagtitiyak ni PCapt. Marzo.
Sa nakalipas umanong mga taon ay may ilan na ring nagpositibo sa paggamit ng illegal drugs na nasampahan na rin ng kaso; ang iba naman umano ay nabasura ang kaso habang ang iba ay nakakulong pa hanggang sa kasalukuyan.
Discussion about this post