Bagaman tumanggi ang kampo ni Narra Mayor Gerandy Danao sa pagtanggap ng preventive suspension order na nag-uutos na suspendihin pansamantala para sa pagiging alkalde ng bayan ang alkalde ngayong hapon, July 28, ibinaba pa rin ng mga representative ng kapitolyo ang suspension order nito sa munisipyo.
Ito ay matapos ang deliberation ng patong-patong na kaso nito sa nagdaang preliminary hearing sa kapitolyo at ang pagdinig sa preventive suspension na inilapag ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narra noong nakalipas na linggo rin.
Sa kopya ng resolusyon na nakalap ng Palawan Daily, sampung boto o higit pa ang umayon, pumirma at nagdesisyon sa mga miyembro ng Sanggunian na marapat ay suspendihin muna sa Danao habang patuloy na nililitis ang mga kaso nito na isinampa sakanya ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narra.
Sa bisa ng resolusyong ibinaba ng Sangguniang Panlalawigan, inaatasan ng 60 days o humigit kumulang dalawang buwan na suspension ang alkalde habang dinidig ang mga kaso nito sa kapitolyo.
Ayon sa resolusyon, napatunayan sa mga naunang pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan na si Danao ay nakitaan ng “sufficient grounds” upang suspendihin. Ito umano kinakailangan upang hindi makaapekto si Danao sa proceedings o mga pagdinig sa kanyang mga kaso gayundin sa magiging verdict ng Sangguniang Panlalawigan.
“Wherfore, premises considered, the Sangguniang Panlalawigan finds sufficient grounds and hereby recommends the preventive suspension of Respondent Mayor Gerandy Danao for a period of 60 days pending the resolution of the administrative cases filed against him, ” ayon sa preventive suspension order.
Ibig sabihin nito, sa tinatawag na “Rule of Succession, ” pansamantalang mag-aacting mayor kapalit ng alkalde si Narra Vice Mayor Crispin Lumba Jr.
Ngunit, inaasahan namang sisimulan na rin ng Sangguniang Panlalawigan ang pagdinig sa mga kasong isinampa ni Danao sa kabilang kampo sa susunod na linggo.
Matatandaang naghain din ng patong-patong na kaso sa mga dating miyembro ng SB si Danao gayundin kay Narra former mayor Lucena Demaala, dahil na rin sa pagbibigay di-umano ng mga ito ng special permit sa sabungan na nasa Barangay Malinao noon.
Hiniling rin ni Danao sa Sangguniang Panlalawigan na ang mga ito ay masuspende rin sa kani-kanilang pwesto habang dinidinig ang kanilang mga kaso.
Kung sakaling mangyari ito, lima nalang ang matitirang miyembro ng konseho sa Narra at ito ay sina Konsehal Francis Atchera, Amelia Gimpaya, Christine Joy Mahilum, Ernesto Ferrer Jr. at IP representative Rodolfo Vicente na pawang mga bagong luklok sa kanilang mga puwesto at hindi nagsilbi sailalim ng administrasyon ni Demaala noon kung kaya’t ligtas ang mga ito sa kasong isinampa ni Danao.
Bukas mismo ay inaasahang lilisanin na ng alkalde pansamantala ang lokal na pamahalaan hanggang sa susunod na dalawang buwan.
Bukas, July 29, ay nakatakda namang mag oath-taking para sa pansamantalang posisyon ng pagka-alkalde si Narra Vice Mayor Crispin Lumba at first kagawad Clarito “Prince” Demaala IV sa pagiging bise-alkalde.
Samantala, sa mga oras na ito kapwa tinatawagan para makunan ng reaksyon subalit “unattended” ang cellphone numbers ni Danao at tagapagsalita nito na si Jojo Gastanes.
Discussion about this post