Masayang ginunita kahapon ng tatlong barangay ng Lungsod ng Puerto Princesa ang anibersaryo ng pagkamit nila ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT).
Ang nasabing mga barangay ay ang Napsan, Bagombayan at Simpokan, pawang nasa bahaging timog ng siyudad.
Isinagawa ang mga kaugnay na aktibidad para sa ikalawang taong anibersaryo ng CADT Awarding sa covered court ng Brgy. Simpokan na dinaluhan ni Punong Lungsod Lucilo Bayron at ng ilang miyembro ng City Council, mga kapitan, mga IPMR ng bawat barangay at ni City IPMR John Mart Salunday.
Sa inspirational message naman ni Commission on Human Rights (CHR)-MIMAROPA Regional Director Dennis Mosquera na kinatawan ni CHR-Palawan Officer in Charge Marilou Sebastian, binigyang-diin ng opisyal na dapat alamin ng mga IPs ang kanilang karapatan at ipaglaban ang mga ito.
Ikinatuwa rin ng CHR na bagamat hindi naging madali at mahirap para sa mga indigenous people (IPs) at sa mga tumulong upang maigawad ang CADT sa nasabing mga barangay, sa huli ay nakamit din ng mga IPs ang isa sa kanilang mga karapatan.
“Kami, ang Commission on Human Rights, naandirito [lagi], katuwang ang mga halal na pinuno [natin dito sa lungsod],” ang pagtitiyak pa ng Komisyon ng Karapatang Pantao, kasabay ng pangakong nakahanda silang tumulong anumang oras.
Ang huling bahagi naman ng programa ay inilaan ng CHR-Palawan sa pagbibigay ng awareness sa nasa 30 mga kabataang indigenous people.
Pinamulat din sa kanila ng ahensiya ang kanilang mga karapatan at kung paano maiiwasan ang anumang uri ng pang-aabuso, at pagkatapos ng talakayan ay isinagawa ang palaro may kaugnayan pa rin sa kanilang karapatan at kabutihang-asal.
Discussion about this post