Sa hindi pa malamang kadahilanan ay binaril ang Senior Safety Officer ng isang kompanya ng minahan habang nagsasagawa ng pag-iinspeksyon.
Kinilala ang biktima na si Bernard Oliveros Baleno, 44 anyos, may asawa, residente ng RTN Townsite, Brgy. Rio Tuba, Bataraza, Palawan, habang ang suspek ay hindi pa nakikilala.
Sa spot report ng PPO, nakasaad na dakong 7:40 pm kahapon, August 24 nang minaneho ng biktima ang kulay puting elf truck, kasama ang Safety Officer ng RTN Mining Company na si Billy Panes Lumanog Jr. Habang binabagtas umano nila ang mine site road at nagsasagawa ng area inspection, nakita nila ang nasabing suspek na naglalakad at suot ang reflectorized clothes at skull guard / complete Personnel Protective Equipment (PPE).
Nang dumating na umano ang biktima at ang kanyang kasamahan sa lugar, agad na binunot ng suspek ang di pa alam na kalibre ng baril at binaril ang biktima. Dahil dito ay nagtamo ang biktima ng tama sa kaliwa niyang balikat at agad na dinala sa RTNFI Hospital habang ang suspek ay agad na tumakas matapos ang insidente.
Samantala, habang sinusulat naman ang balitang ito ay patuloy na isinasagawa ng pulisya ang follow-up operation and investigation upang nakilala at madakip ang suspek.
Discussion about this post