Ganito isinalarawan ng gurong si Fredierick E. Castulo ng Balen-balen Elementary School sa Brgy. Ransang, Rizal, Palawan ang kanyang mga karanasan sa pagtuturo sa ilalim ng new normal.
Sa mahabang post ni teacher Castulo sa kanyang social media account kamakailan, makikita sa kalakip na larawan na dahil sa maputik na daan ay nakayapak lamang ang guro at bitbit din ang dahon ng saging bilang pananggalang sa ulan habang sa isa pang larawan ay may putik ang kanyang mga kasuotan bunsod umano ng kanyang pagkadapa sa putikan.
“Yong pic [na isa] was taken no’ng pauwi na ako from monitoring [noong Oct. 6], then nadapa ako sa sobrang lagkit at putik ng daan,” kwento pa ng 29 anyos na guro na sa ngayon ay nasa dalawang taon at walong buwan na sa pagtuturo.
Aminado siyang naging malaki ang hamon sa pagtuturo ngayong panahon ng pandemya dahil sa pagbabago ng istilo ng pagtuturo mula sa nakasanayang pamamaraan.
“Itong panahon ng pandemic, naging mas challenging ang buhay bilang isang guro. Mas magiging researcher ka kasi need mo matuto online, which most of the reports are onlines and meeting is on virtuals….,” ani Castulo.
Ibinahagi rin niya na dahil sa mga online report, minsan ay kinailangan nilang umakyat ng puno, isabit ang cellphone o kaya ang wifi , maglakad nang malayo sa kabilang bundok at maulanan, magbaon na pangmaghapon, matumba sa motor dahil sa maputik na daan, at tumawid ng ilog.
Dagdag pa niya, sa pagbubukas ng pasukan ay naranasan din niyang humingi ng soft copy ng Self Learning Modules sa ilan niyang kakilalang guro at minsan ay nag-iimprinta ng mga module gamit ang sariling printer kung nagkakataong marami ang gumagamit ng printer ng kanilang eskwelahan. Isama pa umano rito ang mga pangangailan din ng mga eskwelahan ng mga bond paper, ink, alcohol, facemask, at pang-disinfect.
“Naka-print na ang module 1 pero ‘pag check [ko] sa memo, 2-3-4 modules pala ang week 1! Bakbakan naman. Late realization na multigrade nga pala. Ay!
Mga bond paper na nag-bye-bye, may ink na tumamlay, at printer na bumigay. Relate ba? Magdadala pa ng printed modules sa bundok kahit mabigat at di baleng ikaw mabasa ‘wag lang ang mga na-print,” ang bahagi pa ng mahabang post ni Castulo.
“Kahit napakalayo ko sa sariling tahanan ko, kahit may sakit ang magulang ko, pinapaaral ang mga kapatid ko at ako lang bumubuhay sa pamilya ko, kahit may CCF ako (eye problem), kahit may mga pagkakataong nahihirapan na ako at luha lang gamot, kailangan pa ring ipakita ang maskarang nakangiti dahil inaasahang ‘masayahin’ ka…dahil guro ka,” dagdag pa ng guro.
Aminado naman siyang kakambal na ng pagiging tagapagturo ang pagsasakripisyo na kanilang kinakaya dahil sa pagmamahal nila sa kanilang propesyon.
“It’s our willingness to give up something for the betterment of the world that we wanted to. Dedication, it leads us to achieve our goals on a step-by-step process. Hard work is the major ingredients of this perseverance,” aniya.
Discussion about this post