Matapos na mapikon sa kanilang pagbibiruan, isang guwardiya sa Bayan ng Roxas ang tinaga ng kakilala.
Kinilala ang biktima na si Patrick Magbanua, 25 taong gulang, may asawa, at residente ng Purok Maharlika, Brgy. Magara, Roxas, Palawan habang ang suspek ay hindi muna pinangalanan ng pulisya.
Sa spot report ng PPO, nakasaad na dakong 9 pm noong Oktubre 10, 2020 habang dumalo sa lamay ng kapitbahay ang biktima at ang suspek ay nag-usap ang dalawa at nagbibiruan ngunit kalaunan ay napikon umano ang suspek at kinuha ang kanyang itak at tinaga sa ulo ang biktima. Matapos ito ay agad na tumakas ang suspek sa di pa batid na direkson.
Dahil sa pananaga ay nagtamo ng pinsala sa ulo ang nabanggit na biktima at isinugod sa Roxas Medicare Hospital upang maipagamot.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa pa ng follow-up investigation ang mga tauhan ng Roxas MPS sa posibleng pagkakaaresto sa suspek habang ang biktimang si Magbanua ay kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Discussion about this post