“Wala na rin kasing isyu na pagde-debatehan.”
Ito ang naging tugon ni Palawan Provincial Information Officer Winston Arzaga nang tanungin kung dismayado ito na walang magaganap na debate sa pagitan ng Save Palawan Movement (SPM) at 3in1 Palawan.
“Lahat ng isyu nila ay dinala nila sa Supreme Court [at] ano ang sabi ng Supreme Court? Walang laman ‘yung mga isyu ninyo kaya nga 15-0 yung botohan.”
Ayon pa kay Arzaga, isa sa mga palaging binabanggit ng kabilang panig ay ang gagastusin para sa plebesito.
“Hindi nila naiintindihan ‘yan kaya nagkakagulo… ‘Yun ba ay kailangan pang pag-usapan? Ano pa? Ginagawa na isyu ng One Palawan ‘yan na sinabi ni Dominguez [na] magastos [ang gagawing eleksyon]. Eh syempre gobyerno ‘yan gumagastos para sa tao. ‘Pag yung Capitol gumagastos [ay] para sa tao ‘yan.”
Dagdag pa nito, hindi ibig sabihin nang pagkakaroon ng mas maraming politiko ay magiging talamak umano ang kurapsyon at huwag din pangunahan ang magiging desisyon ng mamamayan sa pagpili ng mga magiging lider sakaling matuluyang mahati ang lalawigan sa tatlo.
“Oh isa-isahin natin, maghalukay tayo. Ano ba ‘yung pinagsasabi nila ngayon? Sabi nila tatlong probinsya [at magre-resulta sa] tatlong korapsyon. ‘Wag nilang maliitin ang ating mga kababayan na pumili ng tamang leader para mamuno [at] hindi ‘yung hindi pa nangyayari, hindi pa nga umuupo [o nagkakaroon ng eleksyon] eh sasabihin mo nang magco-corrupt na. Anong klaseng pag-iisip ‘yan? Anong klaseng liderato tayo kung sadya nating pinabababa yung antas ng kamulatan ng ating mga botante? Very unfair ‘yan sa mga Palaweños.”
Aniya ang ginagawa ng lokal na pamahalaan ay para sa kinabukasan at hayaan nalang umano na magpasya ang mga mamamayan para sa ikabubuti ng lalawigan ng Palawan.
“Wag nilang maliitin ‘yung capacity ng ating mga kababayan na magdesisyon. Itong tatlong (3) probinsya ay hindi para sa mga leaders ngayon kundi para sa hinaharap. Ang mga leader ngayon, lahat lumalakbay, dumadaan lang [at] nawawala. [Ang] mga bagong sisibol na mga leader ang importante [dahil] dito binibigyan natin ng bagong pag-asa at oportunidad ‘yang susunod na henerasyon.”
Nang dalhin ng Save Palawan Movement ang usapin sa Korte Suprema, tatlong punto ang kanilang binanggit:
Una, walang naging maayos na konsultasyon sa pagsasabatas ng paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya. Hindi ito kinatigan ng Korte Suprema dahil kinonsulta umano ang mga alkalde at mga konsehal ng mga munisipyo at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Ikalawa, hindi isinama ang mga mamamayan ng Puerto Princesa para bumoto sa plebisito. Ayon sa Korte Suprema, nakasaad sa konstitusyon na ang paghahati ng probinsiya ay nasa kamay ng mga mamamayan ng mga “political units directly affected” ng plebisito. At dahil isa nang Highly Urbanized City ang Puerto Princesa ay hindi na ito maituturing na “political unit directly affected.”
Ikatlo, nilabag ng batas para sa paghahati ng Palawan ang Konstitusyon ng Pilipinas nang baguhin nito ang hatian ng natural na yaman o national wealth sharing. Hindi ito pinagdesisyunan ng Korte Suprema dahil premature umano na pag-usapan ito dahil hindi pa naisasagawa ng plebisito.
Discussion about this post