Walang epekto.
Ganito inilarawan ng Save Palawan Movement ang pagdeklara ng LGU-Culion kay Niña Gonzales na persona non grata. Kahalintulad umano ito ng pagdeklara ng Sangguniang Panlalawigan na persona non grata si Atty. Bobby Chan.
“Ginaya lang nila ang ginawa sa Province kay Atty. Bobby Chan. Gaya ng dati wala namang epekto yun sa taong ginawa nilang persona non grata kasi lumalabas na sentimiyento lang yun ng council. Kasi ang pagsasabi ng persona non grata [mayroong] epekto lamang yun kung diplomat na papasok ka dito sa bansa [ay] hindi ka welcome. Dito sa local [ay] sentimiyento lang yun ng council [at] wala yung epekto sa movement ni Gonzales o sa kalayaan niya sa pagsasalita,” pahayag ni Cynthia Sumagaysay Del Rosario, Save Palawan Movement.
Matatandaan na noong Lunes, March 22, 2021 ay inaprubahan sa Sangguniang Bayan ng Culion ang Resolution No. 2021-1762, nakasaad dito ang pagdeklara bilang ‘Persona non Grata’ kay Gonzales dahil sa hindi umano nito nirespeto ang naging pasya ng karamihan sa mamamayan ng kanilang bayan sa mga pahayag nito sa social media.
Naging batayan ng mga lokal na mambabatas ng Culion ang mga post nito gaya ng:
“Culion na lang ang hatiin sa tatlong probinsya. Culion, Palawan Oriental, Culion, Palawan del Sur at Culion, Palawan del Norte. Oh, bongga!”
“Tanggalin na sa Palawan ang Culion. Magsolo na sila!”
“Lampaso ang YES!”
Para naman kay Gonzales, nagtataka ito dahil tila hindi umano pinag-isipan ng mga mambabatas sa Culion ang ipinasang resolusyon.
“Hindi ko alam kung wala ba talagang alam yung mga Sanggunian Members, kung aware ba sila kung ano ba talaga ang persona non grata? Kasi unang-una walang power ang Local Government para magdeklara ng persona non grata. Only the court can limit the persons liberty.”
Ipinaalala naman ni Del Rosario sa mga halal na opisyal na hindi dapat maging balat-sibuyas lalo na sa mga issue at usapin sa ating bayan.
“Yung mga opisyales kailangan kasi wag silang balat-sibuyas. Kasi, yung kanilang functions na talagang may magbabatikos sa kanila pero dapat wag silang sensitibo sa bawat opinyon kasi kung ipe-persona non grata nila ay may mas malala pa kung tutuusin mga opinyon sa nangyari, ang dami ilang daan yun nag-opinyon lahat yun ipe-persona non grata nila, hindi naman tama yun. Mas mainan kung gumawa sila ng ordinansa na mapapakinabangan sa bayan ng Culion,”
Discussion about this post