Sa pamamagitan ng social media ay inilabas ng isang medical frontliner mula sa Incident Management Team (IMT) ng Puerto Princesa ang nararanasan umano nilang hirap bilang mga frontliners. Kalakip nito ang panawagan sa mga nasa puwesto na tingnan ang kanilang kalagayan.
Sa post ni Nurse Cayen Cabiguen sa kanyang social media account noong May 8, 2021, na tinalakay din ng Sangguniang Panlungsod sa kanilang regular session kahapon, nakiusap siya sa mga kinauukulan at nagmamakaawa na silipin din ang tunay nilang kondisyon at pakinggan ang kanilang mga suhestyon. Gaya na lamang ng planong pagbubukas sa mga paaralan upang maging quarantine facilities. Tanong niya, sino umano ang tatao sa bagong quarantine facilities? Dahil kung sila umano ang tatanungin, sukdulan na ang nararanasan nilang hirap at pagod.
“Hindi po kami mga robot…tao po kami!!! May mga pamilya ring umaasang uuwi pa kami ng malusog at buhay sa kanila. This is no longer about money kung sasabihan n’yo akong magtrabaho ako dahil may sinasahod ako galing sa gobyerno. You don’t have any idea how long we have to wait bago sumahod,” ang bahagi ng pahayag ni Cabiguen.
Ibinahagi rin niya ang kasalukuyang sitwasyon ng mga quarantine facilities ng siyudad na aniya’y maihahambing na ang operasyon sa mga ospital ngunit kulang sa manpower, equipment, mga available na gamot, at resources at sa sahod at mga benepisyo na para sa kanila.
Ayon pa kay Cabiguen, noong gabi ng Mayo 7 ay biglang nagkaroon ng medical emergency ang isa nilang kasamahaan habang sila ay nasa duty.
Aniya, ang shift nila sa PUI-Hue Hotel ay mula 8AM-2PM na tuloy-tuloy kada araw maliban pa umano na minsan ay pumapasok sila ng 6AM-3AM at may tinatanggap pang mga tawag. Aniya, tatlong nurse sila roon at isang nurse attendant para sa 111 pasyente na mahigit 20 umano ay mga RT-PCR positive at may ilang naghihintay pa ng resulta.
Naikuwento rin ni Cabiguen na sa tatlong nurse na naka-duty sa binabantayan nilang pasilidad, dalawa roon ay COVID -19 survivor. Kabilang na umano siya na bagamat magaling na base sa DOH guidelines, nasa recovery period pa rin.
Aniya, sa kabila ng pag-positibo sa COVID-19 matapos na maging reactive sa antigen test noong Abril 7 ay tuloy-tuloy pa rin ang pagtupad niya sa kanyang tungkulin. Kabilang na rito ang pagsagot sa mga tawag at pagbibigay ng IEC sa mga kapitan at iba pang opisyales ng barangay. Inilarawan niya ang naturang sitwasyon na “work from quarantine set-up” na ginawa rin umano ng ibang contractual nurses na nagpositibo sa nakahahawang sakit.
KULANG NA SA PAHINGA
Ibinahagi pa ni Nurse Cabiguen na mayroon lamang dalawang doktor na nakatalaga sa IMT na tumitingin sa mahigit 1,000 kaso na pawang RT-PCR positive at antigen reactive patients. Habang silang mga contractual nurses naman ay 45 at may iilang nurse assistants lamang.
“And imagine how tiresome it is for just less than 70 people managing COVID inside the facility! All these facilities are managed single-handedly by Dr. Eunice Herrera since April of 2020. Sobra pa sa exhausted ang lahat ng medical frontliners ng IMT kung alam n’yo lang. We can’t even have a complete 4 hours sleep sa gabi,” ayon pa sa nurse.
Aniya, paano sila magiging epektibo sa kanilang mga trabaho kahit na iyon naman ang gusto nila kung sila mismo “ay may mga sakit na at pagod na pagod na.”
TUGON NG SANGGUNIAN MEMBERS
Kaugnay nito, sa sesyon ng Konseho ay naghain ng resolusyon si kgd. Elgin Damasco na humihiling kay Mayor Lucilo Bayron o sa IMT na imbestigahan ang nasabing usapin.
Kalakip din sa kanyang mga suhestyon ay ang pag-usapang muli ang posibilidad na magtayo ng sariling ospital ang siyudad at hindi lamang nakaasa sa ONP, ang nag-iisang DOH hospital sa mainland Palawan at ang pagpapaaral ng mga doktor, nurse, at nursing assistants upang maiwasan na ang gaya ng nagaganap sa ngayon na malaki ang kakulangan sa mga health workers.
Ayon naman kay Floor Leader, Kgd. Victor Oliveros, saludo siya sa mga frontliner ngunit ipinaliwanag niyang may ginagawa ang lokal na pamahalaan. Sa katunayan umano, may inaprubahan nang supplemental budget na gagamitin sa pagsugpo ng COVID-19. Tiniyak din nito na anumang pondo ang kakailanganin, bilang chairman ng Appropriations Committee, kaniya umano itong susuportahan.
Ni-refer ang usapin sa Committee on Health na nakatakdang magsagawa ng committee meeting sa susunod na linggo.
SAGOT NG CHO, IMT
Sa hiwalay na panayam kay Dok. Ric Panganiban, kasalukuyang City Health Officer ng Puerto Princesa City at pinuno rin ng PPC-COVID-19 Vaccination Council, binanggit niyang nauunawaan niya ang hinaing ni nurse Cayen bagamat sinabi niyang hindi lang naman siya ang pagod kundi silang lahat na nasa frontline services ng siyudad.
“Totoo naman ‘yon na pagod na talaga. Sino ba ang hindi [pagod ngayon]?” ang komento ni Panganiban. “Sino ba ang ayaw magpahinga kaya lang sa situation namin, talagang ano ba ang gagawin namin?” aniya.
Ukol naman sa usapin kung kailan mabibigyan ng pagkakataon ang mga frontliner na makapagpahinga, ani Panganiban, ang long-term plan ay kung ma-contain sana ang kaso ng COVID-19 sa Puerto Princesa. Sa ngayon umano, kahit gustuhin nilang mag-hire ng dagdag na mga tao ay wala naman sila halos na makuhang aplikante.
“Alam kong mahirap ang laban lalo na ngayong nagkaroon tayo ng surge, hindi tayo masyadong preparado para sa ganitong dami na nagsabay-sabay. Kung mayroon mang kulang ay paumanhin na hindi namin maibigay ang lahat ng pangangailangan ng ating frontline health workers but we’re trying our best na ibigay ‘yon,” mensahe na lamang ni Dr. Panganiban.
Ayon naman sa commander ng IMT na si Dr. Dean Palanca, “Tama rin siyempre, na may mga time talaga na pagod talaga ang bawat isa sa amin, kahit naman ako.”
“Iba talaga ang response ngayon sa COVID—parang ito na ‘yong totoong response natin na pinaghandaan pero sa paghahanda natin, eh overwhelming talaga. Nakikita mo, nag-a-out of control na ang mga nangyayari kasi makikita mo, ‘yong mga recovery natin, mas marami pa rin ang nagpa-positive sa antigen,” aniya.
“Kahit dito sa Branch 1, may iba ritong mga umiiyak na ring mga team leader. Sa kanila, mas pagod talaga kasi duty sila at nagkaroon sila ng shifting na almost 12 hours then, off-duty kinabukasan pero minsan, kailangan mong tumulong [pa rin],” aniya.
USAPIN SA SAHOD
Ukol sa sahod, binanggit niyang sinasabi naman umano nila ito sa pagpasok ng mga baguhang empleyado na nadi-delay ng dalawang buwan ang kanilang sahod dahil ginagawa ang kanilang kontrata at minsan umano ay nagkakaproblema sa kontrata kaya nagtatagal ng isa pang buwan.
Ngunit para sa mga buwan ng Enero at Pebrero ay nakapagsahod na rin umano sila noong unang linggo ng Abril habang ang para sa Marso ay noong huling linggo ng Abril. Ang para sa Abril naman ay inaasahang maibibigay ngayong buwan.
Aniya, nauunawaan niya ang saloobin ni Nurse Cayen “na hirap din sila kasi sobrang dami ng trabaho, sobrang dami ng taong babantayan.” Aniya sa ngayon ay kulang pa rin sila ng nurse at mahirap maghanap ng mga medical personnel kahit sinimulan nila ito noong patapos na ang buwan ng Abril.
“Pero hindi naman tatalikod ang City Government talaga kasi kahit i-check nila ngayon, hindi bababa sa 25 ang nursing assistant [ang mayroon ngayon] sa iba’t ibang facilities. May walong nurse at saka magdadagdag pa tayo, hanggang 12 nurses kasi ang kukunin namin,” aniya.
“Mga ilang linggo pa, mapupuno na naman itong Microtel [na kabubukas lamang], mapupuno na naman itong Go Hotel; saan na kami pupunta? May mga tao kaming bago riyan, pero mai-stretch out [pa rin sila kasi] kailangan naming maglagay sa facilities at ‘yon ay kung may papayag pa,” dagdag pa niya.
Bunsod nito ay nananawagan ang opisyal sa pakikiisa ng mga mamamayan upang magtigil na ang pagkakahawa-hawa sa COVID-19.
Discussion about this post