Sugatan ang isang lalaki na residente ng Lungsod ng Puerto Princesa matapos na saksakin ng kanyang lasing na pamangkin.
Kinilala ang biktima na si Serafin Abellar, 48 taong gulang habang ang suspek naman ay si John Paul Abellar, 29 anyos, pawang may mga asawa, tricycle driver, at parehas ding nakatira sa Purok Riverside, Brgy. Sta. Monica, lungsod na ito.
Batay sa spot report buhat sa Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), nagkaroon ng ‘di pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawa kagabi na nagbunga ng pananaksak.
Lumalabas umano sa inisyal na imbestigasyon na naganap ang insidente bandang 9PM kahapon, June 16, 2021, kung saan umuwing lasing ang suspek at nagsisigaw kaya sinita siya ng biktima at sinabihang huwag nang maingay dahil nagpapahinga na ang mga nakatira sa lugar.
Sa punto umanong iyon ay hindi sumagot ang suspek at tumungo sa kanilang kusina at kinuha ang kutsilyo. Pagbalik ng suspek ay doon na umano niya inundayan ng ilang beses na saksak ang kanyang tiyuhin na nagdulot ng tama sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan. Agad na naisugod ang biktima sa Ospital ng Palawan upang malapatan ng kaukulang lunas.
Agad din naman umanong sumuko ang suspek sa mga tanod ng barangay.
Nakuha rin ang ginamit niyang kutsilyo nang isagawa ng pulisya ang follow-up investigation.
Sa ngayon ay nahaharap sa kasong Frustrated Homicide ang suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Police Station 2 (PS2).
Discussion about this post