Nilinaw ni Palawan ABC President at Board Member Ferdinand “Inan” Zaballa na hindi magkakaroon ng dahas o pwersahang pag-aresto sa mga mahuhuling hindi pa bakunadong indibidwal na nasa labas ng kanilang mga tahanan, taliwas sa iginigiit ng Pangulong Rodrigo Duterte sa live press briefing nito noong Miyrekules, Enero 5.
“As much as possible, ayaw naming umabot sa ganoon ang sitwasyon. Susunod tayo sa order ng national government at ng pangulo pero mas maiging daanin natin ito sa usapan at huwag sa arestuhan agad,” ani Zaballa.
Nais niya umano na mapakiusapang muli at pag-isipan ng mga hindi pa bakunadong indibidwal sa mga barangay ang kanilang desisyon, dahil sa itinalagang direktiba kamakailan ni Duterte sa mga punong barangay na pagbawalan ang paglabas o pag-gala ng mga hindi pa bakunadong residente sa kanilang komunidad.
“Alam niyo back to square one na naman kami sa Liga. Pinag-usapan na naming lahat ng mga kapitan dito sa Palawan ‘yung order ng pangulo. Maghihigpit tayo ng protocol, maari, pero at the same time, mag-uutos kami na magbahay-bahay muli ang aming mga BHW para ikutin ‘yung mga tahanan ng mga hindi pa bakunado at pakiusapan sila na take this thing into consideration,” ani Zaballa.
Sinabi rin nito na bukod sa pag-iikot sa tahanan ng mga hindi pa bakunado, maglulunsad rin ang bawat konseho ng barangay ng mga kampanya o Information and Education Campaigns upang mapalaganap at mamulat ang mga hindi pa nababakunahang ka-barangay ukol sa magandang epekto ng pagkakaroon ng bakuna.
“Sabi ko nga back to square one na naman. Balik tayo sa pakiusap, balik tayo sa IEC’s, hangga’t maari, hindi tayo susukong kumbinisihin ang mga hindi pa bakunado. Kailangan natin ‘yan para masiguro na dumating man o umabot na tayo sa kasagsagan ng buwelta ni Omicron, we would have lesser damage,” giit ni Zaballa.
Inamin nito na bagaman ay mayroon pang mga hindi bakunadong indibidwal sa mismo niyang barangay sa Panacan, Narra ay inaasahan niya na hindi magtatagal ay makukumbinsi rin nila ito.
“Nakalunsad kami ng limang beses na mass vaccination sa Panacan. Maging ang mga taga-ibang barangay sa amin nagpapabakuna. Kung ‘yung mga taga ibang barangay nga nag-pupursigi, mas lalo akong mag-pupursigi sa pagkumbinsi sa iilan pang mga ka-barangay ko na hindi pa bakunado. It all goes down to this, kung gusto mong magkaroon ka ng panlaban kontra COVID, at gusto mong maprotektahan ang pamilya mo, magpabakuna ka,” ani Zaballa.
Discussion about this post