Nagsimula na ngayong araw, Pebrero 22 ang Philippine Table Tennis Federation Incorporated o PTTF National Selection na ginaganap sa RVM Sports Complex Indoor Game Facility.
Sa maiksing programa, matapos ang ilang mensahe mula kay Mayor Lucilo R. Bayron ay opisyal niyang inanunsiyo ang pagbubukas ng kompetisyon na nilahukan ng mahigit 100 manlalaro mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Bahagi rin ng programa ang panunumpa ng mga kalahok maging ng mga officiating official ng palaro.
Mainit rin ang pagtanggap ni Mayor Bayron sa mga manlalaro at iba pang bisita dito sa siyudad kugn saan Ipinagmalaki rin nito sa mga bisita ang Balayong People’s Park kung saan napapaloob ang venue ng palaro para sa table tennis.
“Allow me to welcome all of you, officially, warmly, sincerely to the city of Puerto Princesa. Maiksi lang ang stay niyo rito, enjoy your stay here. Siguro let me tell you something about dito sa vicinity ng ating playing venue, ito ay inside of Puerto Princesa City government center, ito yong mas malaking portion of the government center andidiyan ang Balayong Park. Ang tawag namin dito Balayong People’s Park, yong Balayong ay ang Palawan Cherry blossom”, pahayag ni Mayor Bayron.
Nagkaloob rin ang alkalde ng 90,000 piso para paghatian ng anim na mapipiling manlalaro, apat na babae at dalawang lalaki na magrerepresenta ng Philippine Team sa 23 South East Asian Games o SEAGAMES na gaganapin sa Cambodia.
Malaki naman ang pasasalamat ni Ting Ledesma ang presidente ng PTTF Inc. sa agad na pagtalima ng alkalde bagaman mabilisan lamang ang preparasyon. Nakita umano nila ang pagpupursige ng pamahalaang panlungsod para masiguro na magiging maayos ang palaro at maging kwalipikado ang pasilidad para sa malalaking sports event, nasyunal o internasyunal man. Magsisilbing dry run rin kasi ang national selection para sa World Table Tennis – Youth Contender ngayong darating na ikalawang linggo ng Oktubre.
Ayon kay Ledesma, “pumunta po kami dito I think first week of February, andito po kami. Then, hindi po tumagal ang usapan kinuha na ni mayor ang hosting ng World Table Tennis – Youth Contender na it will be this year rin October kaya shinover na rin namin itong national selection kasi ito rin iyong parang dry run namin to WTT – Youth Contender. This will be also the set-up for the World Table Tennis.”
Sumabak rin sa unang araw ng kompetisyon ang walong manlalaro ng Puerto Princesa na sina Mark Kevin Nadar, Edward Manlapaz, Raul Araez at Kenneth Araez para sa Men’s Division habang nagpasiklab irn ng husay ang mula sa Women’s Division na sina Sitti Riza Calbit, Erna Molina, Jean Anulao at Mary Grace Laapitan na pawang produkto ng grassroots program ng Tagburos Table Tennis Organization (TATTO).
Magtatapos ang PTTF Inc. national selection sa Sabado, Pebrero 25 kung saan makikilala na ang maaaring magbitbit ng bandila ng Pilipinas sa larong table tennis sa buong South East Asia. Sa pamamagitan rin ng aktibidad ay mas mapapalakas pa ang industriya ng sports tourism ng Puerto Princesa.
Discussion about this post