Pinatunayan ng Pilipinas na isa itong patok na destinasyon ng mga turista matapos maitala ang pinakamataas na kita sa kasaysayan ng turismo noong 2024. Umabot sa P760.5 bilyon ang kita, mas mataas ng 9.04% kumpara noong 2023, ayon sa Department of Tourism (DOT).
Bagama’t hindi naabot ang target na 7.7 milyong dayuhang turista, nananatiling matatag ang sektor ng turismo dahil sa mga estratehiyang ipinatupad, kabilang na ang pagpapalawak ng air connectivity at agresibong promosyon ng mga natatanging destinasyon ng bansa.
South Korea ang nanguna bilang pangunahing pinagmumulan ng mga turista, na may 1.57 milyong bisita, habang pumangalawa ang Estados Unidos na may 1.08 milyon, dulot ng mga direktang biyahe mula San Francisco at Seattle patungong Maynila.
Nagpakita rin ng makabuluhang pagtaas ang Japan, na umabot sa 444,528 turista, samantalang patuloy namang bumabawi ang China na may 313,856 na bisita, dahil sa mga bagong direktang flight at cruise visa waiver program.
Samantala, nakita rin ang paglago ng mga turistang mula sa Middle East, kung saan nangunguna ang United Arab Emirates na may 668.34 porsiyentong recovery rate kumpara noong 2019.
Ayon sa DOT, karamihan ng mga turista noong 2024 ay mga repeat visitor, na tumatagal ng higit sa 11 gabi sa bansa. Binibigyang-diin ng ahensya na ang tagumpay na ito ay hindi lamang batay sa bilang ng mga dumadating na turista, kundi sa mas malawak na kontribusyon ng turismo sa ekonomiya at kabuhayan ng mga Pilipino.
Discussion about this post