CORON, Palawan – Binigyang diin ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Mimaropa Assistant Regional Director Roberto Abrera na dapat matiyak ang proteksiyon sa mga Marine Protected Area sa bayan ng Coron, Palawan.
Ito ay dahil sa posibleng banta ng mga iligal na nagsasagawa ng pangingisda sa lugar.
“Marami tayong marine biodiversity sa Coron, kailangan mabantayan ang mga iyan dahil ‘yan ang pinagmumulan ng ating yamang pangisda”, sinabi ni Abrera.
Bilang suporta, nagkaloob kamakailan ang BFAR-Mimaropa ng 11 unit ng fiberglass patrol boat sa LGU ima-mantine naman ng Marine Protected Area Management Board.
Ang nasabing mga bangka ay nakatalaga lamang upang magamit sa pagpapatrolya ng mga awtoridad sa marine reserve ng Coron.
“Hindi lang pagpapayaman ng industriya ng pangisda ang maaari natin mapanatili rito kundi maging ang pag-angat ng turismo, kasi dinarayo rin ang mga ito”, dagdag pa ng opisyal.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Coron, malaking bentahe ang pagkakaroon ng magagamit na sasakyang pandagat ng tagapagbantay sa pinangangalagaang karagatan ng naturang bayan dahil mas mag-aalangan na ang mga nagnanais at walang pakundangang mangisda sa lugar sa pamamaraang mapanganib at ipinagbabawal ng batas. (AJA/PDN)
Discussion about this post