Isang panibagong kaso ng Coronavirus disease-2019 (COVID-19) ang naitala ngayon sa Lungsod ng Puerto Princesa na mula sa Bayan ng Cuyo, sa hilagang bahagi ng Lalawigan ng Palawan.
Sa pag-anunsiyo ni Dra. Fi Atencio ng City Health Office (CHO) sa pamamagitan ng virtual update ng City Information Office (CIO) ngayong hapon kasama sina CIO Richard Ligad at Asst. City Health Officer at Incident Management Team (IMT) Commander, Dr. Dean Palanca, ang pasyente ay isang 45 taong gulang na lalaki na kasalukuyang naka-admit sa isolation facility ng Ospital ng Palawan (ONP).
Aniya, dumating ang pasyente sa siyudad noong Setyembre 21, sakay ng Montenegro Lines, kasama ang kanyang pamilya at tumuloy sa Brgy. Tanglaw bago makapagpasuri sa ONP sa kasunod na araw.
“So, pagdating [po nila] rito sa Puerto [Princesa City,] sila po ay nagpa-check-up sa ONP Outpatient Department noong Sept. 22 at doon na nga, siya po ay in-admit as COVID-19 suspect and at the same time ay na-swab,” ani Atencio.
Kahapon naman umano ay lumabas ang resulta na nagkukumpirmang COVID-19 positive ang nasabing lalaki.
Kasama umano ng pasyente sa isolation facility ang kanyang anak na may sintomas din; hindi naman umano ganoon kalala ngunit kailangang hintayin ang resulta ng swab test.
Maliban sa anak ng pasyente ay may sintomas na rin umano ang kanyang kabiyak kaya lahat ng close contact ng bagong kaso ay nasa quarantine facility na ng lungsod.
“Ang kasalukuyang ginagawa po ng ating ahensiya ay ang pagkakalap ng impormasyon and at the same time po ay pag-monitor po sa barko. So, lahat po ng nakasabay nila na dumating sa petsang September 21 ay aming mino-monitor,” aniya.
Aniya, lulan ng nasabing bapor ang 92 katao na kung saan, 87 sa kanila ay nasa siyudad.
Mula Sept. 21-23, base umano sa monitoring ng CHO, nagkaroon ng transaction ang ilan sa mga kasabay ng pasyente sa mga pampublikong lugar gaya ng Landbank, GSIS, Philhealth, at iba pa. Ngunit nilinaw din ni Dra. Atencio na kung sinusunod ng mga tanggapang iyon ang pagpapatupad ng strict health standard ay walang problema ngunit kung naging maluwag, maaaring magkaroon ng problema rito.
Dagdag pa niya, nagkaroon din ng pagpa-check-up sa ilang pribadong doktor sa siyudad kaya dapat din nilang kontakin.
Sa araw ng bukas naman umano ay naka-schedule na ang pagpapa-swab test sa lahat ng kanilang mga nakahalubilo.
Sa kanilang mga nakasabay sa Montenegro ay natawagan na rin umano nila ang karamihan ngunit mayroong mahigit 40 katao ang hindi nila makontak. Kaya pakiusap nila sa mga may alam na ipagbigay-alam sa CHO ang kanilang mga kinaroroonan.
“Kunwari, kung mayroon kayong kasalamuha, o may nakatira sa inyo na alam n’yong dumating noong Setyembre 21 na galing Cuyo at lulan ng Montenegro, ipagbigay-alam n’yo lamang po sa hotline na ito sa 0938-080-8798,” apila ng doktor.
Ayon pa sa kanya, kung sa nabanggit na petsa ay naroroon sa mga mga nasabing pampublikong lugar na mangyaring ipagbigay-alam lamang umano sa kanila kung mayroon silang sintomas ng COVID-19.
Ang panawagan naman ni Dr. Palanca sa mga pasyenteng nagpakonsulta sa ONP OPD area noong Setyembre 22 ay tumawag sa ibinigay nilang hotline, lalo na umano kung may nararamdamang sintomas gaya ng ubo, lagnat, nawalan ng panlasa o pang-amoy, o sumakit ang katawan na kanilang naramdaman mula ng araw na iyon.
Sa muli, nagpaalaala ang pinuno ng IMT sa lahat na patuloy na mag-ingat kung saan man pumupunta—sa trabaho man, sa mall, sa mga pampublikong kainan, namamalengke, naglalakad na palagiang magsuot ng facemask o faceshield.
“Kung maraming tao kayong kaharap, gumamit po talaga kayo ng faceshield–‘yang dalawa po (facemask at faceshield) ang ating pinagagamit ay malaking tulong po para proteksyunan kayo at hindi mahawaan ng anumang sakit—kung ‘yon man ay Coronavirus, kung ‘yon ay trangkaso lang; malaking proteksyon ‘yon [para sa inyo],” ani Palanca.
Dagdag pa niya, huwag ding kalilimutan na dumistansiya ng isang metro o higit pa kapag may katabi, lalo na kung hindi kakilala ang isang indibidwal.
“Nagwa-warning na kami sa inyo. ‘Wag sana nating palampasin ‘yong parating sinasabi namin sa inyo kasi ito po ay napakalaking tulong para tayo ay hindi mahawaan ng sakit, kung sinuman ang may dala-dalang sakit diyan outside ng ating tahanan at hindi rin tayo makadala ng anumang sakit pabalik ng inyong tahanan,” aniya.
Ani Dr. Palanca, inanunsiyo na rin ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa na lahat ng byahe mula Cuyo ay kinakansela na. Nangangahulugan umano itong walang pasaherong tatanggapin ang lungsod na mula sa naturang munisipyo maliban na lamang kung dahil emergency at mga kargamento lamang.
Naipabatid na rin umano ito ng City Government sa tatlong shipping company na may regular na byahe mula roon patungo sa siyudad.
Ipinaliwanag din ni Dra. Atencio na hindi nagra-rapid test sa inter-municipal travel dahil pareho namang nasa isla ng Palawan, bagkus nagrerekord lamang sila upang madaling matukoy sakaling may magpositibo.
MAGANDANG BALITA
Sa kabilang dako, malugod ding inanunsiyo ni Dr. Dean Palanca na negatibo sa COVID-19 ang lahat ng pamilya at ang mga direct contact ng isang nagpositibo kamakailan sa Brgy. Inagawan-Sub.
“All na swab namin [noong nakaraang Martes]—magmula sa kanyang pamilya hanggang sa kanyang mga direct contact po sa kanyang pinagtatrabahuan, ay negative…ang lahat ng resulta nila sa Coronavirus disease 2019,” aniya.
Sa ngayon ay may patuloy aniya silang isinasagawang contact tracing sa isang lugar kaugnay pa rin sa kaso. Aalamin umano nila kung mayroong mga taong nakahalubilo o kung sakaling may sintomas at kung magkagayon ay ire-request nilang ma-swab sa lalong madaling panahon.
Discussion about this post