Isang antigen positive na pasyente ang binawian ng buhay kaninang umaga, Abril 30, batay sa COVID-19 Report ng commander ng Incident Management team (IMT) ng Lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon kay IMT Commander Dean Palanca sa isinagawang COVID-19 Advisory ng City Information Department ngayong gabi, tinuran niyang ang nasabing pasyenteng COVID probable ay isang 82-taong gulang na senior citizen mula sa Brgy. Masikap.
Aniya, isinugod ang pasyente sa isang pribadong ospital ng isyudad ngunit sa kasamaang-palad ay yumao kaninang umaga doon din sa pagamutan.
Aminado ang opisyal na mahirap ang kalagayan sa kasalukuyan kaya paalaala niya “na mag-ingat ang lahat.”
Iniulat din ni Dr. Palanca na kahapon ay nadagdagan ng dalawa pang yumaong positibo sa COVID-19 kaya umakyat na sa 12 ang death case sa lungsod, kung saan ang 10 kaso ay nangyari lamang ngayong Abril 2021.
Sa datos kahapon ng siyudad, Abril 29, nasa 264 na ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Puerto Princesa kung saan 52 dito ay bago na naitala kahapon mula sa 62 new test results.
Mabilis din aniya ang pagtaas ng mga kaso sa ibang barangay na nasa labas ng hard lockdown areas gaya ng Bancao-bancao, Maunlad, Tiniguiban, Sicsican at Bagong Silang at sa iba pang barangay.
Sa datos naman ng City Information Department noong Abril 28, nasa 296 na ang mga nasa quarantine facilities ngayon habang 27 naman ang nasa isolation facilities.
Maliban pa rito, mayroon din aniyang mga bagong 79 antigen test positive na naidagdag sa 447 na isasailalim pa nila sa RT-PCR sa mga susunod na araw.
Bunsod nito ay kinailangang magdagdag ng measure ang lokal na pamahalaan gaya ng pag-request nilang iakyat ang quarantine classification ng Puerto Princesa sa MECQ ngunit ang inaprubahan lamang ng National IATF ay GCQ na sisimulan naman bukas, Mayo 1.
Patuloy din umano silang tumatanggap ng aplikante bilang nursing assistant na idadagdag sa IMT sapagkat kulang na kulang pa umano sila sa mga nurse sa ngayon, sa gitna ng paglobo ng kaso ng COVID-19 sa siyudad. Ganito rin ang mga naunang pahayag ng iba pang pribadong pagamutan sa lungsod, na sila rin ay nagkukulang sa mga nurse.
“Ang IMT, ang mga ospital, ang mga facility, mapupuno po ‘yan kasi tanggap lang kami nang tanggap ng mga nagkakasakit pero sana po, kami po tumutulong, ang City Government tumutulong, ang importante po riyan ay tumulong na rin [sa ngayon] sina nanay, sina tatay na pangalagaan nila ‘yong kanilang pamilya,” panawagan pa ni Dr. Palanca.
Ipinaalaala niyang kapag nagkasakit ay agad na magpakonsulta sa mga doktor at huwag munang pumasok sa trabaho lalo na kung may ubo, sipon, nagtatae o nilalagnat. Kapag naramdaman iyon ay agad umanong mag-isolate sa tahanan at magpakonsulta upang hindi na kumalat pa sa kanilang pamilya at hindi rin makahawa sa mga kapwa katrabaho, kung sakaling positibo sa COVID-19.
Aniya, mabisa sa sitwasyon ngayon ang pagsunod sa public health sa standards na makatutulong upang hindi pa maging malala ang community transmission na sa tingin niya ay nasa “kritikal” na lebel na.
“Right now, actually, tingin ko, nasa critical stage na po talaga tayo ng ating COVID-19 Response. So, hindi pa po natin ito nagagawan ng solusyon; ayaw ko namang magsabi pero pwede po tayong maging parehas po ng Metro Manila,” pahayag pa ni Dr. palanca na lagi na rin niyang nababanggit sa “Boses ng Palawan” ng Palawan Daily News.
Discussion about this post