Dinagsa ng mga Palaweño ang Acacia tunnel sa Brgy. Inagawan Sub, Puerto Princesa City nitong Linggo, Marso 7, 2021, sa pagnanais na masilayan ang pagpapailaw sa mga puno ng Acacia na kinabitan ng LED Lights. Dahil dito, marami ang nakapansin na tila hindi nasunod ang minimum health protocols na ipinatutupad dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Puerto Princesa City Information Officer (CIO) Richard Ligad, hindi umano nila inaasahan ang pagdagsa ng maraming tao dahil tanging mga bikers lamang na nagpa-rehistro ang dapat na dadalo maging ng mga residente umano sa Brgy. Inagawan.
“Yun na nga di naman natin inaasahan ang pagdami ng mga tao dahil nga unang-una ang ating ina-anticipate ay mga taga doon [Inagawan Sub] lang at saka yung magpa-participate sa Bike Hero natin. So hindi natin inaasahan na medyo dumami din ata ang mga pumunta doon although sabi nga natin ay magkaiba ito doon sa nag-imbita tayo. Never tayo nag-imbita na ‘Punta kayo magpapabukas tayo ng Acacia Tunnel ay tingnan niyo.’ Wala tayo ganon ginawa ano? Ang ginawa natin yung mga bikers lang yung na mga bike hero.”
Dagdag pa ni CIO Ligad, sa kabila ng mga batikos ay maayos umano ang pag-organisa ng City Government ng aktibidad.
“Yung pag-organisa wala naman naging problema eh dahil unang-una hindi naman sinabi na ‘Oh join kayo, punta kayo sa Acacia Tunnel, magbubukas tayo.’ Never tayo nagkaroon ng paanyaya. Ang akin lang nanawagan tayo kahit i-review niyo yung page natin [CIO FB Page] na magkakaroon tayo ng Bike Run at magbubukas yung ating Acacia Tunnel. Kung yun lang naman yung mga um-attend doon yung mga sinabihan lang natin na mga participants wala namang problema yun dahil kayang i-accomodate naman talaga ng lugar [acacia tunnel] iyon.”
Para naman sa Commander ng City Incident Management Team (CIMT) na si Dr. Dean Palanca, maging aral umano ito sa mga susunod na aktibidad at umaasa umano ito na walang mangyayaring masama sa mga susunod na araw o linggo.
“Pumunta talaga mga ibang pamilya nakita namin talaga na traffic talaga po doon at sabi nga natin mahigit isang libo (1,000) na tao po doon sa area na iyon at nakita talaga natin na hindi talaga sumunod sa social distancing po talaga. At siguro po aral po talaga yan sa mga susunod na activities na maging ma-ingat at mapagplanuhan ng husto yung mga things na ganyan at ma-kontrol yung dami ng crowd at kung may dadating pa ay wag na papasukin. So hopefully wala naman magiging problema yan sa susunod na linggo.”
Para naman kay George Español isa sa mga lumahok na biker, sa sobrang dami ng tao na dumalo ay pinili na lamang nito na hindi na makipagsiksikan at sa isang tabi na lamang pumuwesto.
“Wala nang social distancing, hello COVID. Hindi na kami sumiksik pa sa maraming tao, dito nalang kami sa dulo pumuwesto, mahirap na.”
Discussion about this post