Ibinahagi ni Dr. Dean Palanca, Commander ng Puerto Princesa City Incident Management Team (IMT), ang kaniyang naging karanasan matapos mabakunahan noong inilunsad ang Puerto Princesa City COVID-19 Vaccination Program (PPC-COVAC) sa City Coliseum noong Marso 12, 2021.
Aniya ang kaunting sakit na naramdaman sa lugar kung saan naturukan ng bakuna ay normal lamang kahalintulad ng karaniwang bakunang ibinibigay sa mga mamamayan at wala din umanong nagkaroon ng matinding reaksyon sa lahat ng mga nagpabakuna.
“Ang karamihan naman dito is more on konting-konting pain lang sa injection site na tawag natin. Usually, normal naman sa binabakunahan na kahit anong bakuna naman na binibigay mayroong ganun ‘no. And hopefully ay dire-diretso ito pero sabi nga natin may mga problema talaga sa unang mga 1 hour to 3 hours pero so far so good naman.”
“Wala naman kaming nakita sa mga kasama namin na mayroong mga side effect na matitindi. Almost ‘yun din ‘yung mga sinasabi sa akin ay medyo konting pain lang dito sa injection site. May injection ’yan na susunod ulit ‘yun ‘yung sabihin na lang natin na booster dose na ibibigay after 30 days.”
Ayon naman kay Dr. Fi Atencio, IMT Safety Officer at City Health Officer (CHO), hindi gaanong masakit at wala itong naramdamang side effect kahit nakalipas na ang ilang oras matapos mabakunahan ng SinoVac COVID-19 vaccine.
“Okay naman po, hindi naman po siya ganun kasakit [at] wala din kaming mga [side effects] so far, sa pag-observe. Kasi kanina pa kami nandito 9AM kami nabakunahan [at] until now naman. Medyo mabigat lang yung sa braso siyempre kasi natusok tapos nabakunahan pero apart form that wala naman po kaming naramdaman pa na kahit anong di kaaya-aya.”
Inaanyayahan naman nito ang mga mamamayan na makiisa sa isasagawang malawakang pagpapabakuna hindi lamang sa lungsod ng Puerto Princesa ngunit sa buong bansa. At umaasa din ito na ang pagpapabakuna ang lulutas sa pandemyang dulot ng COVID-19.
“Hinihikayat natin ‘yung ating mga kababayan na sana pag-isipan nilang maigi kasi yung best vaccine [ay] hindi lang ‘yung available kundi ‘yung best vaccine is kung anong best din sa tingin mo para sa sarili mo. Being vaccinated is still a personal decision to make.”
“So, sana po makiisa tayo and, at the same time po, magtulungan tayo para sa ganun naman matapos na ‘to. Kung ito man ‘yung kasagutan kasi wala din naman makapagsasabi kung ito na talaga yun but we’re hoping and sana mag-work po talaga siya para sa lahat.”
Patuloy naman ang pag-roll out ng mga bakuna kontra COVID-19 sa buong Pilipinas at inaasahang din na darating ang mga biniling AstraZeneca COVID-19 vaccines ng Pamahalaang Panlungsod ngayong Setyembre.
Discussion about this post