Patay ang isang babae habang sugatan naman ang isang lalaki matapos pagtatagain ng kanilang kainuman bandang 11PM noong Pebrero 19 sa Sitio Maranat 1-A, Brgy. Bacungan, Puerto Princesa City.
Kinilala ang pinaslang bilang si Corazon Gabinete Reño, nasa hustong edad, at ang sugatang biktima bilang si Rolly Magno, 40-anyos, binata, at nagtatrabaho bilang isang caretaker habang ang suspek naman ay si Enrique Villa Colita, nagtatrabaho rin bilang isang caretaker at lahat ay pawang residente ng Sitio Maranat 1-A, Brgy. Bacungan.
Ayon sa ulat ng PNP, nagsimula umano ang isang mainit na pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng mga biktima habang nag-iinuman kagabi, at sa kalagitnaan nito ay umalis ang nasabing suspek ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, bigla itong bumalik na may dalang bolo at pinagtataga si Reño nang paulit-ulit sa leeg at kaliwang braso, at saka naman tinaga si Magno sa kanyang batok.
Tinukoy ng mga awtoridad na si Joselito Francisco Lopez, isang guwardiya ng Nagtabon Beach, ang nagreport ng pangyayari sa Police Station 2 bandang 3AM ng madaling araw.
Ayon pa kay Lopez, kasama niya ang suspek at ang mga biktima sa inuman nang magkaroon ng away. Sa kasagsagan ng pagtatalo, bigla na lamang umalis ang suspek at bumalik na may dalang armas. Sinubukan ni Reño na pigilan ang suspek subalit bigla na lamang itong sumugod at pinagtataga ang dalawa.
Kaagad namang rumesponde ang mga pulis sa pangunguna ni PSS Jefry L Queron upang imbestigahan ang pangyayari. Sa pagdating sa lugar ng krimen, natagpuan ang bangkay ni Reño habang sugatan naman si Magno.
Dinala ang mga biktima sa Ospital ng Palawan, habang naaresto naman agad ng mga awtoridad ang suspek na nakatakda nang kasuhan ng PNP.
Discussion about this post