“As early as now na [bagamat] hindi pa fully operational ‘yong project (Water Supply Improvement Project II), nagpe-prepare na po tayo sa feasibility study natin [para] sa phase 3.”
Ito ang tinuran ng spokesperson ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) na si Jenn Rausa nang kapanayamin ng Palawan Daily News team kaugnay sa kasapatan ng suplay ng tubig sa siyudad sa kasalukuyan at sa susunod pang mga taon.
Ani Rausa, sa ngayon ay inihahanda na ang mga kinakailangang dokumento para sa isasagawang bidding, bagamat wala pa silang inilalabas na petsa kung kailan. Ang magwawagi ang siyang magsasagawa ng feasibility study (FS) ukol sa phase 3 ng Water Supply Improvement Project (WSIP) ng PPCWD.
Aniya, sa Montible River pa rin kukunin ang source ng WSIP III na pagtatayo ng dam bagamat “magva-vary ito sa result ng study.”
“Wala pa rin pong ibang details about doon like funding, estimate time kung kailan mag-start [ang feasibility study], et cetera since malalaman po ‘yon once on process na ‘yong FS,” ani Rausa.
Sa pinakahuling tala ng ahensiya, umaabot na sa ngayon sa 48,000 ang total active water service connections sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Discussion about this post