“Unang una, wala namang buhay ang nawala, ‘di ba?”
Ito ang tugon ni Coron Mayor Mario T. Reyes Jr. nang tanungin kung sasampahan ba ng kaso ang turistang gumamit ng pekeng RT-PCR test result nang pumasok ito sa kanilang bayan noong Marso 9, 2021.
“Ay, bakit tayo magsampa ng kaso eh pandemic na nga ngayon? Naghihirap na nga lahat ng tao sa buong mundo tapos sampahan pa natin ng kaso? Magtulungan na lang tayo. Gaya ng sinabi ko, ang mundo ngayon is in chaos. Magulo ang mundo ngayon [at] naghihirap na ang mga tao ngayon.”
Noong Marso 12, 2021 ay naglabas ng pahayag ang Emergency Operations Center (EOC) ng Coron ukol sa isang lalaking turista na gumamit ng pekeng RT-PCR test result na nagpapakita na ito ay negatibo sa COVID-19.
Nakasaad din dito na iniimbestigahan umano ito ng mga kaukulang awtoridad upang malaman kung ano ang posibleng kaso na maisasampa rito.
Ani Mayor Reyes, mauulit pa umano ang ganitong pangyayari kaya’t magtulungan na lamang ang lahat.
“Kung siya ang may kasalanan, tulungan natin. Kung tayo ang may kasalanan, tulungan niya tayo. Magtulungan tayo [at] kung hindi pa rin talaga tayo makasundo, manalangin tayo sa Panginoon para sa tulong ng Panginoon hindi tayo papabayaan.”
“Well, mauulit at mauulit yan. Magulo na nga ang mundo [at] lahat ginagawan na ng paraan. Mauulit at mauulit yan pero magtulungan na lang tayo. Unang una, wala namang buhay ang nawal, ‘di ba? Pangalawa, kung sabi ni Dr. Guintapan eh kasuhan ay hindi kami nag-usap dalawa [dahil] nandito ako sa El Nido ngayon.”
Dagdag naman ng alkalde, mag-uusap pa sila ni Coron Municipal Health Officer Dr. Alan Guintapan upang magkaroon ng kaukulang aksyon ang Local Government Unit (LGU).
“Hindi kami nag-usap dalawa ngayon kasi nandito ako sa El Nido [pero] once na umuwi ako ng Coron, sa ngayon hindi pa ako makapag-salita kung kailan ako uuwi ng Coron pero ‘pag umuwi ako ng Coron the first thing I do ay kausapin si Dr. Guintapan at ano ang gagawin naming first step.”
“Siya ang nasa frontliner eh. Siya ang frontliner so nararamdaman niya yung pain.”
Ayon sa panayam ng Palawan Daily News kay Dr. Guintapan, nakauwi na sa Maynila kahapon, Marso 25, 2021 ang turistang gumamit ng pekeng RT-PCR result.
Discussion about this post