Dismayado ngayon ang isang concerned citizen ng Lungsod ng Puerto Princesa sa umano’y “maluwag” na pagpapatupad ng hard lockdown sa ilang barangay na kasalukuyang nasa critical zone, kabilang na ang kanilang barangay sa San Pedro.
Ayon kay Princess, hindi tunay na pangalan, siya mismo ang nakasaksi sa kakulangan umano ng mga bantay at checkpoint sa mga lugar sa siyudad na nasa ECQ.
“[Base ito] sa experience [namin]; parang nag-social experiment kami [noong nakaraang mga araw]. Ako kasi, masyado akong emosyonal bago nangyari ‘yon na [nag-announce] ng hard lockdown. Umiiyak na naman ako, nalulungkot na ako, parang sobrang hirap na ng buhay. Marami ng tao ‘yong affected. Parang bigyan ko rin ba ng ano ba ang sarili ko na ‘Tama ba ang iniiyak ko? Ano ba ang sitwasyon?’ [Kaya nag-ikot kami],” kwento niya.
‘PARANG UMIYAK AKO PARA SA WALA!’
“Pag-uwi namin [galing sa pag-iikot], sabi ko sa kanya (asawa), ‘Parang sayang ‘yong luha ko kasi parang umiyak ako para sa wala. Ganito ‘yong gagawin nila na ganito na [nga] kahirap ‘yong mga tao? Hindi rin pala seryoso sa mga nangyayari (pagpapatupad ng lockdown),” aniya.
Hindi umano niya maintindihan na nasa critical areas sila ngunit kahit anong oras ay pwede naman palang makapasok ang sinuman.
Aniya, sana umano ay mas busisiin pa ng mga kinauukulan sa pagtatanong ang mga papasok “dahil hindi naman lahat ng tao ay honest.”
Ginawa umano nila ang pag-iikot sa critical zones noong nakaraang linggo matapos na unang mapansin ng kanyang kabiyak na tila wala rin namang mga checkpoint.
“So, ‘yon, triny namin lumabas. Ang sinabi lang namin kung baga passersby [lang] kami, galing kaming [Brgy.] Mandaragat tapos pupunta kami sa ganito-gano’n. So, nakalusot. No’ng pabalik, sabi ko sa kanya (asawa), ‘Doon natin papasukin ‘yong area ng San Manuel tapos [diretso tayong] San Pedro.’
“Ayon nga! Paglagpas namin ng checkpoint dito sa banda ng [bodega] ng Coke, diretso lumiko kami ng Go Hotel, walang harang, nakapasok kami. Lumusot kami ng BM, mahaba rin [ang area], walang harang, may tanod lang na nagtanong lang ‘Saan kayo pupunta?’ [Ang sagot namin ay] ‘Pauwi na.’ [Pero] walang tanong na ‘Saan kayo galing? Ba’t dito kayo dumaan?’, ‘Tagasaan kayo?” aniya.
Lumabas naman umano sila sa kanto ng BM Road na wala rin aniyang bantay at dumiretso sa One Asenso dahil may shortcut din doon papasok ng Libis na wala rin umanong harang.
Sa paglabas umano nila sa bahagi ng City Coliseum ay may checkpoint sa harap ng isang hotel at tinanong lamang sila na saan sila pupunta at sumagot lamang umano sila na pauwi na at dumiretso sila sa AA Plaza Hotel. Wala rin umanong harang o bantay doon.
Tumagos umano sila sa WESCOM Road, Brgy. San Miguel, lumabas sila sa Coliseum, dumaan sa Pineda Road, San Pedro at lumusot sa isang kanto na wala rin umanong bantay.
AGAM-AGAM
“Paano natin mako-contain ito (COVID-19) kung ganito kaluwag? Ang mga tagaloob, hindi pwedeng lumabas pero ang galing sa labas, madaling nakapapasok? ‘Yong tao, nag-iingat, tapos may mga taong walang pakialam. Kawawa ‘yong mga taong sumusunod sa batas. Ang sad lang,” aniya at iginiit na sana man lang umano ay naglagay ng checkpoint sa mga main entrance gaya ng kanto ng BM Road at Libis Road.
Sinubok umanong muli ng mag-asawa na gawin ang kanilang pag-iikot noong Biyernes at balak sana nilang pumasok sa Brgy. Sta. Monica mula sa mga inner road sa pagitan ng San Jose. Doon lamang umano mahigpit.
“Pero sa Sta. Monica, hindi ka pwedeng dumaan doon [sa shortcut], haharangin ka talaga [at tatanungin] ‘Saan ka pupunta?’ [Ang sagot namin] ‘Sir, dadaan lang po sana kami, pupunta lang po kaming Sicsican.’ [Ang sagot ng bantay,] ‘Ay! pasensiya po, hindi po talaga kayo pwedeng dumaan dito kasi hindi po kami allowed na magpadaan dito,” ayon pa sa ginang.
HINDI NARAMDAMAN ANG PAGKILOS NG BARANGAY?
“Sorry pero hindi ko maramdaman—wala talaga sa mga area, wala akong nakikitang nagroronda. During day time, wala akong masyadong nakikita. I don’t know baka hindi rito sa area namin,” aniya.
Kaya hindi umano niya maiwasang isipin kung saan na napunta ang pondong inilaan sa nasabing mga barangay at walang makitang tao na nagbabantay sa mga critical points ng ECQ areas.
“Ano ba ‘to, lokohan? It’s either taumbayan or gobyerno ‘yong niloloko nila kasi, maglalabas sila ng hard lockdown tapos makikita mo ang luwang!?. Kung totoong gano’n dapat ang policy, bakit maluwang? Nasaan ‘yong perang nilabas ng gobyerno para gawin ‘yang hard lockdown na ‘yan? Nasaan ‘yong mga taong dapat naandiyan para magbantay?” tanong pa niya.
SAGOT NG PAMUNUAN NG SAN PEDRO
Sa hiwalay namang panayam kay Kapt. Francisco Gabuco ng Brgy. San Pedro at kasalukuyang presidente ng pederasyon ng Liga ng mga Barangay-Puerto Princesa Chapter, mariin niyang pinabulaanan na maluwag sa kanyang nasasakupan.
“Kami kanina, umikot, nagtitingin po kami lahat. Mahigpit po kami sa San Pedro. Nakalulungkot na may nagpaabot sa inyo [ng ganyan] pero sinasabi namin, Sabado nandito kami, Linggo, nandito rin po kami, pinapangalagaan po namin ang barangay namin. We exert our effort tapos [may] gano’ng bagay, makararating [sa media]!?” ani Punong Barangay Gabuco.
Ngunit kung sakali naman umanong makaranas ng ganoong karanasan ay ipagbigay-alam lamang ito sa barangay upang maaksyunan bagamat iginiit niyang walang nagaganap na ganoong sitwasyon.
‘RESTRICTIVE MOVEMENT’ SA LOOB NG CRITICAL ZONES
Sa inilabas namang “Hard Lockdwon” Guidelines ng Pamahalaang Panlungsod noong Abril 22 ba batay sa Local IATF Resolution No. 38 na umiral sa lungsod simula noong Abrl 23 hanggang Abril 30, nakasaad na maaaari lamang lumabas ang mga residente ng mga barangay San Pedro, San Miguel, Sta. Monica, San Manuel at San Jose kung sila ay may medical emergency o magpapabakuna, mga APOR, o pupunta sa airport para sa kanilang flight.
Kapag lumaabas naman ng tahanan ay kailangang may quarantine pass na mayroong validity at limitado lamang din ang kanilang galaw sa limang barangay na nasa ECQ.
Pinapayagan din ang mga sasakyang galing sa labas ng critical zones na ang destinasyon ay labas din nito at dadaan lamang ng national highway. Nakasaaad dito na kailangang magpakita ng dokumentong magpapatunaay ng lugar na pinanggalingan at transaksyon sa destinasyong pupuntahan.
Maliban sa mga umiiral na ordinansa sa lungsod, ang hindi umano pagsunod dito ay maituturing ng “Non-cooperation of the person and entities” at paglabag sa Section 9 ng paragraph d o 3 ng RA No. 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern) at IRR nito.
Discussion about this post