Sa gitna ng isyung hindi maayos na napamamahagi ang ayuda sa ilang ECQ areas sa Lungsod ng Puerto Princesa, inilahad ng kapitan ng Brgy. San Manuel ang ilan umano sa mga kinakaharap nilang hamon kaugnay sa pagpapatupad ng hard lockdown sa kanilang lugar.
Ito ay matapos na mapag-usapan ang isyu dahil nakaabot na sa kabatiran ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ang reklamo ng ilang mga residenteng nasa loob ng containment zones na hindi umano sila naabutan ng financial assistance.
Sa virtual session ng Sanggunian kahapon, inimbitahan ang hepe ng City Budget Office, CSDWO at City Planning and Development Office. Naroon din ang kapitan ng limang barangay na ngayo’y nasa ECQ upang bigyang-linaw ang sistema ng pamamahagi ng ayuda .
“Namomroblema na po kami kasi ‘yong namimigay sa amin [ng mga ayuda], hinahabol na ng itak,” kwento ni Kapt. Gloria Miguel ng Brgy. San Manuel.
Dagdag pa niya, nang pumunta naman umano ang isa sa mga tauhan ng barangay sa Purok Malunggay ay “pinaligiran siya ng mga kalalakihan” na ang iba ay naka-boxer shorts lamang umano dahil iginigiit nilang dapat mabigyan din ng ayuda ang kanilang pamilya. Dahil sa naganap ay takot na umanong bumalik doon ang nasabing personnel ng barangay na kabilang sa mga nag-aabot ng ayuda.
Ani Kapt. Miguel, hindi maunawaan at hindi umano marunong makinig ang iba sa paliwanang nilang hindi lahat ay pwedeng bigyan ng ayuda na gaya ng nakaraang taon sapagkat may Eligibility Requirement na dapat sundin ukol sa Zoning Containment Strategy buhat sa NIATF na dapat ang mga benepisyaryo ay pasok sa guidelines ng SAP.
KAKULANGAN SA PONDO
Inilatag din ng Kapitana sa mga miyembro ng City Council na problema rin nila ngayon ang mas mataas ang aktuwal na bilang ng household na dapat mabigyan ng financial assistance kumpara sa pondong naibigay sa kanila ng Pamahalaang Panlungsod.
Base umano sa ulat sa kanila ng kanilang mga barangay health workers, mayroon umano silang 6,000 kabahayan, higit na mataas kumpara sa napondohang 3,652 household (HH) lamang.
Aniya, batay sa listahan nila noong nakaraang taon na nabigyan nila ng ayuda, umabot sila sa 6,610 household, bagamat hindi pa umano ito nabawasan ng 20 percent na dapat tanggalin gaya ng mga nagtatrabaho sa gobyerno, uniformed personnel, 4Ps beneficiaries at iba pa.
Ngunit iginiit ng opisyal na mas marami ang mahihirap sa kanilang barangay, lalo na umano sa mga squatters area gaya sa mga purok ng Kapatagan, Buhanginan, at Masipag.
Upang mabigyan ang mga tunay na nasa laylayan ay isinasama umano ang mga barangay health workers sa pamimigay ng ayuda dahil alam nila kung sino ang mga mahihirap.
Aniya, pati ang mga tricycle drivers ay naghahabol na rin ng ayuda. Kaya upang malutas ito ay iniatas na lamang umano muna niyang ipalista ang mga posibleng benepisyaryo at inuna ngayong matulungan ang mga walang-wala talaga.
Sa kalkulasyon naman ni City Budget Officer Regina Cantillo, sa 6,610 bilang ng actual household sa listahan, kung babawasan ito ng 20 percent na di pasok sa criteria ay mayroong 5,288 HH na lamang ang dapat mabigyan ng ayuda sa San Manuel. Ang listahang ito ay ang pinagsama umanong listahan ng barangay sa second batch na nabigyan nila ng SAP noong 2020 at ang galing sa City Planning and Development Office na 2021 Household population base sa PSA Census na mayroong .62 percent growth rate.
Kung ibabawas naman aniya ang 3,652 na nilaanan ng pondo ng siyudad ay mayroon pang 1,636 HH na dapat maabutan ng ayuda. Katumbas ito ng P3,599,200 kung mabibigyan ng P2,200 kada HH.
Tinanong ni Kgd. Jimbo Maristela kung may makukunan pang pondo. Ayon kay Cantillo, mayroon pa ngunit inaasahan umano niyang “malinis talaga ang listahan” o ang nasa bagong listahan ay tunay na nangangailangan.
Suhestyon naman ni Maristela na i-counter check ng CWDO ang nasabing listahan upang matiyak na qualified na mapondohan ng City Government. Sa Eligibility Requirement na nakasaad sa Memorandum Circular No. 14, s. 2020 para sa Zoning Containment Strategy, pasok sa listahan ang mga PWDs, informal sector, at solo parent.
Sa kabuuan naman, batay sa datos ng Cty Budget Office, mayroong iniluwal na P59,200,000 para sa 26,821 households sa limang barangay na nasa ilalim ngayon ng hard lockdown. Sa breakdown, maliban sa San Manuel, mayroong 6,449 HH sa Brgy. San Pedro, sa Brgy. San Miguel ay 5737 , sa San Jose ay 5116 at sa Sta. Monica ay 5867.
‘ABNORMAL ANG GROWTH RATE NG SAN MANUEL’
Dahil marami umanong nagtatayuang negosyo sa Brgy. San Manuel, marami rin doong trabahante na doon na nakatira sa San Manuel. Karamihan umano sa mga ito ay renter.
“Nire-recognize ko na ang San Manuel, abnormal po talaga ang growth rate nito dahil po sa ngayon ay tinuturing po natin [itong] ‘New Downtown’ o ang bagong ‘Central Business District.’ Dahil sa maraming negosyong nagtayo rito ay we expect na maraming workers na naghanap na rin ng matitirhan sa San Manuel pero patunayan ni kapitana, patunayan nila na ‘Ito na ang actual namin [listahan ng kabahayan],” ayon naman kay City Planning and Development Officer, Engr. Jovenee Sagun.
HAKBANG NG CITY COUNCIL
Sa huli, naghain ng ilang resolusyon ang City Council ukol sa usapin at agad itong inaprubahan sa una at ikalawang pagbasa.
Ang mungkahi mula kay City Councilor Herbert Dilig ay ang Resolution No. 1166-2021 hilingin sa National Inter-agency Task Force at DSWD na bisitahing muli at magkaroon ng reconsideration sa kanilang guidelines sa ilalim ng Memorandum Circular No. 14, s. 2020 na may petsang June 1, 2020 na payagan ang mga LGU o magkaroon sila ng mas malawak na kapangyarihan na magdesisyon sa kung sino ang mga benepisyaryo ng ayuda.
Ang inihain naman ni Kgd. Elgin Damasco ay Resolution No. 1167-2021 na layong hilingin sa Punong Lungsod na maghanap ng ibang paraan upang mapondohan ang financial assistance sa mga kabahayang hindi nabigyan dahil sa hindi pasok sa criteria.
Discussion about this post