Malugod na sinalubong ng mga guro, estudyante at mga magulang sa Puerto Princesa Pilot Elementary School si outgoing DepEd Sec. Leonor M. Briones kahapon Hunyo 17, 2022.
Ayon sa kalihim, lubos siyang nagpapasalamat sa napakagandang salubong na ibinigay ng mga taga-Pilot Elementary School sa kanyang naging pagbisita. Isa sa mga kanyang binigyang diin ang pagpapayaman ng kultura bagay na ikinatuwa ng kalihim dahil sa paghahandog ng mga guro ng solteros dance.
“Maraming salamat at congratulations sa paghahanda niyo sa lugar napakaganda ng stage, napaka colorful ng inyong mga uniforms at tiyaka nakakatuwa yong una ninyong welcome dance…sultero dance,” ani ni Briones
“Marami kayong subukan na paraan para maging effective ang pag-aaral ng mga bata…pero huwag natin kakalimutan na tayo ay may kultura, mayroon tayong national culture and local culture,” saad ni Briones
“At ang Palawan ay isa sa pinaka-naiiwang lugar dito sa Pilipinas na makikita pa natin na ang ating mga sayaw, ating mga awit, ating poetry at ating art ay ini-honor parin at isinasama sa ating learning process so congratulations…Palawan is perhaps one of the very few bastions of culture in the country and dapat i-protect din natin iyan,” dagdag pa ni Briones
Dagdag pa ng kalihim, na kahit moderno na ang panahon ngayon dahil sa social media ay huwag umano sana kalimutan ng mga kabataan at guro ang mahahalagang bahagi ng mayamang kultura at kasaysayan ng lalawigan ng Palawan, bagkus ay pagyamanin pa ito ng husto.
“Maganda naman iyong mag tik-tok…maganda naman iyong mag modernong sayaw at awit pero…maganda din yong awitin, tula at yong sayaw lalo na yong costumes lalo na mga poetry, paintings dito sa Palawan at sana i-r-retain ninyo iyan,” ani ni Briones.
Ito ang pangatlong beses na nakabisita ang kalihim sa lalawigan ng Palawan partikular sa lungsod ng Puerto Princesa at kapansin-pansin umano ang malaking ipinagbago nito bagay na pinuri ni Sec. Briones.
“Pangatlo ko nang bisita dito [Palawan]…and each time I come lalong nagiging very prosperous, economically marami ng mga buildings, marami ng mga bagong mukha, mga bagong paraan nang pag-dedicate…pero sana hindi natin i-abandon, hindi natin iiwanan ang ating pagka-palaweño ang ating kultura,” saad ni Briones.
“Kung ano ang naandito ay ipagpatuloy natin at i-pass on natin sa ating mga learners,” dagdag pa ni Briones.
Matapos sa Pilot Elementary School ay tumungo naman ang kalihim sa Alternative Learning System sa Brgy. Bagong Sikat kung saan malugod din itong sinalubong ni Kapitan Alberto Alib kasama ng ilang mga kagawad ng barangay, mga nangangasiwa ng ALS at mga naging benepisyaryo nito bago tumungo sa Palawan National School (PNS) at ang panghuli ay sa pagtatapos ng Philippine Youth Convergence 2022 (PYC22) na ginanap sa Puerto Princesa City Coliseum kung saan nagbigay din ito na maikling pahayag sa mga kabataang lumahok dito na galing pa sa ibat-ibang lugar sa bansa.
Samantala, dalawang beses namang kinansela ni Assistant Secretary for Youth Affairs and Special Concerns na si Juan Valeriano Respicio ang nakatakda sanang pakikipag panayam nito sa mga lokal na mamamahayag ng Palawan simula pa noong pagbubukas at pagtatapos ng kauna-unahang Philippine Youth Convergence 2022 sa buong Pilipinas kung saan ang lungsod ng Puerto Princesa ang napili bilang host ng tatlong (3) araw na aktibidad at tutugon na lamang umano ito sa pamamagitan ng sulat dahil may biglaang imbitasyon umano ito kahit na may naka-iskedyul na itong presscon.
Discussion about this post