Sugatan ang isang lalaki matapos na barilin dakong alas-11:50 kagabi sa Purok Masikap bgy San Jose , Lunsod ng Puerto Princesa.
Nakilala ang biktima na si Abdurasid Hunisto Gonzales, 31, residente ng Townsite sa bayan ng Sofronio Española at pansamantalang naninirahan sa pinangyarihan ng krimen.
Ang biktima ay nagtamo ng apat na sugat sa kaniyang tiyan, isang tama sa kanang kamay at isa ring tama sa kaliwang kamay.
Samantala, ang mga suspek ay nakilalang sina Edwin Monserate, alyas Toto Elbao, Edison Montes at ang sinasabing gunman na si Weng Monserate.
Ayon sa biktima, nagluluto siya ng dumating sa kaniyang bahay ang mga suspek at kaniyang inalakala na hihingi lamang ito ng pulutan dahil sina Montes at Elbao na kaniyang kaibigan at kapitbahay ay nadaanan niyang umiinom.
Noong una ay inakala niyang tatakutin lamang siya ni Monserate ng makita niyang bumunot ito ng kalibre 45 na baril subalit bigla na lamang itong ipinutok sa kaniya.
Sinabi pa ng biktimang si Gonzales na posibleng ang dati nilang alitan ang dahilan kung bakit siya binaril nito. Naiingit raw kasi ang magkapatid na Monserate sa tuwing tinutulungan siya ng dating amo ng mga ito sa isang resort sa bayan ng El Nido. Sa ngayon ay nananatili pa sa ospital ng Palawan ang biktima habang patuloy pang tinutugis ang mga tumakas na suspek.
Discussion about this post