Mula sa required na apat na physically present sa Session Hall upang makapagsagawa ng sesyson , inamiyendahan ito ng Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa na ang presiding officer at majority floor Leader na lamang ang tutungo roon habang ang ibang kasamahan ay present din via Zoom.
Nagkaroon ng ganitong House Rules ang konseho noong nakaraang taon kasabay ng pagdating ng pandemya na layong makaiwas sila sa COVID-19 at maiwasan ang pagkakahawa-hawa ng bawat isa.
Ang bagong panuntunan naman ukol sa pagsasagawa nila ng virtual sessions ay iminungkahi ni Majority Floor Leader Victor Oliveros.
Una itong tinutulan ni Konsehal Nesario Awat at sinabi niyang baka dumating ang araw na hindi na rin makapunta sa Session Hall maging ang presiding officer at majority floor Leader dahil sa taas na kaso ng COVID-19 kaya dapat ang isulat ay “may” at hindi “shall.”
Aniya, kailangang tingnan ang posibilidad na hindi sila makapupunta sa Session Hall at hindi makaka-sesyon upang maiwasan umanong amend na lang sila nang amend sa House Rules kaya dapat “optional” sa nasabing parte. Bagamat nilinaw niyang wala naman siyang tutol sa bagong amendment.
Ngunit paliwanag ni Oliveros, bagamat maganda ang mungkahi Kgd. Awat “nagiging magulo ang flow ng sesyon” kung lahat nagzo-Zoom dahil mahirap itong ikontrol kaya kailangan nilang magsakripisyo.
Sinusugan din ito ni Kgd. Matthew Mendoza at inihalimbawa ang sitwasyon nila kahapon na dahil hindi available si Bise Mayor Maria Nancy Socrates na siyang presiding officer ay pansamantala niyang pinalitan bilang acting presiding officer dahil siya ang pro tempore. At kapag ang pro tempore naman ang wala ay mayroon namang deputy o assistant pro tempore at ganoon din ang majority floor leader na mayroong assistant majority floor leader.
Ayon kay Oliveros, maliban na lamang sa extreme situation na kung mangyari iyon ay bakit hindi na lamang nila ipagpaliban ang sesyon.
Ngunit tanong ni Awat, paano kung ang extreme situation ay tatagal ng lingguhan o buwan na sagot naman ni Kgd. Mendoza, kapag nangyari iyon ay pag-usapan na lamang nila.
Nagkaroon naman ng saglit na pagpapalitan ng mga salita sina Majority Floor Leader Oliveros at Kgd. Jimbo Maristela, minority floor leader na dumalo sa session kahapon via Zoom, dahil sa inakala ni Maristela na inaalisan ng karapatan ang mga miyembro kung nais ba nilang dumalo sa sesyon sa Session Hall o virtually.
Bunsod nito ay humingi ng paumanhin ang kalihim ng Sanggunian, na siyang may hawak sa mga sinusulat sa white board, dahil nahuli ang pag-flash niya ng paliwanag na ang ibang miyembro ay pwede ring dumalo sa virtual session nila, physically man o online.
Ayon pa kay Konsehal Mendoza, binago lamang nila ang nauna nilang guidelines na orihinal na nakasaad na kailangang apat ang naroroon sa Session Hall dahil sa araw na iyon ay muntik nang hindi sila magkaroon ng quorum.
Ayon naman kay Oliveros “Mas maganda ang usapan kapag physically present eh!”
“Ngunit kung hihingiin po ng pagkakataon ay ito lamang po ang ating nire-require para po matuloy po ang session natin—whether regular or special session [man]….,” aniya.
“Mas maganda nga na mas marami [tayo rito], malungkot eh! [kapag kami lang dito]. Walang ibang kakain ng lunch!” pabiro pang wika ni Oliveros.
Nagbiro rin si Mendoza na madodoble ang makakain nila dahil wala roon ang karamihan sa kanilang mga kasamahan sa Session Hall habang si Maristela ay nagbiro ring “Sana ipadala [na lang] ang [kanilang] lunch.”
Samantala, aprubado na ang House Rules ng Sangguniang Panlungsod sa kadahilanang ang pagbabago sa panuntunan ng mga Konseho ay hindi na kailangan ang una hanggang ikatlong pagbasa at kailangan lamang ang pagpayag ng majority.
Discussion about this post