Mainit na sagupaan sa pagitan ng mga mananayaw mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang nagpainit sa entablado sa 2nd Subaraw Hip-Hop Dance Competition na ginanap sa Puerto Princesa City Coliseum noong Nobyembre 8.
Makapigil hiningang stunts, choreography, at dance moves, ang ipinakita ng bawat grupo. Iba’t ibang estilo man ang kanilang ipinakita ngunit iisa lang ang tatanghaling kampeon sa nasabing kompetisyon.
Sa huli, itinanghal na Grand Champion ang Hype Impact Family (HIF) mula sa Olongapo City. Ang kanilang retro modern moves sa “remix music” na Boogie Wonderland ang nagdala sa kanila patungo sa premyong ₱100,000.
Pinatunayan din ng D’ Kwweenz 2.0 mula sa Zambales na sa larangan ng sayawan ay walang tatalo sa kanila. Ang kanilang nakakatuwang galaw na pinapamalas ng miyembro na halos lahat ay LGBTQIA+++ ay nagbigay sa kanila ng ₱75,000 para sa 2nd place at karagdagang ₱5,000 bilang “special prize” sa on-the-spot dance showdown.
Sumabay naman sa temang One Piece ang Kings ng Puerto Princesa City. Ang kanilang nakakatuwang “cosplay costumes” at ang maayos na pagganap sa mga bida ng anime ay nagdala sa kanila ng ₱50,000.00.
Bagama’t hindi nanalo ay nakapag-uwi rin ng papremyo ang ilang kalahok ng mahigit ₱15,000 bilang suporta sa kanilang pagsusumikap.
Ang Subaraw HipHop Dance Competition ay parte ng pagdiriwang ng Subaraw Festival 2023 at isang tagumpay na sinuportahan ng pamahalaang panlungsod at ng mga mamamayan.
Discussion about this post