Matapos ang isang buwang pagpapatupad ng dry-run ng Trike Ban, iminumungkahi ngayon ng pamunuan ng City Traffic Management Office (CTMO) na isama sa mga exemptions ang ilang kalye ng Lungsod ng Puerto Princesa.
Sa liham ni City Traffic Management Office Head Richard Ligad sa Committee on Transportation ng Sangguniang Panlungsod, ipinaliwanag nito na ang rekomendasyon ay base sa mga natanggap na mga feedback at komento ng CTMO nang isinagawa ang dry-run noong Nobyembre 23, 2020 hanggang Disyembre 23, 2020.
Iminungkahi ng CTMO na payagang dumaan ang tricyle sa Rizal Avenue mula sa kanto ng Baltan St. (ngayon ay P. Vicente St.) upang makalusot sa Fernandez Street. Sa South National Highway namn, iminungkahi na payagan ang mga tricyle mula sa Adventist Hospital hanggang sa JIL Church. Hiling din na payagan ang mga tricyle na dumaan sa national highway sa Brgy. San Miguel mula sa MP Road hanggang R. San Juan Road ang mga mula at tutungo sa Puerto Princesa International Airport.
Hiniling din na payagan na makatawid ng national highway patungo sa pinakamalapit na intersection na may connecting roads ang mga manggagaling ng interior roads na may dead-end. Kasam rito ang Delos Reyes Road 2, Brgy. San Pedro; Tankiao Road I-II-III, San Miguel National Highway; Abandon Road, San Manuel; at ang Santiago Road, Martinez Road, Rodriguez St., Bagong Liwanag St., at ang Gabuco Roads 1, 2 at 3 na pawang matatagpuan sa Brgy. San Jose.
At sa mga nabanggit na panukalang exemption, “highly recommended” na payagan na makadaan ang tricyle mula Baltan St. hanggang Fernandez St. at mula Adventist Hospital hanggang sa JIL Church.
LAMAN NG ORDINANSA PARA SA TRIKE BAN
Matatandaang umiiral na ngayon ang Trike Ban sa lungsod alinsunod sa kautusan ng DILG na sinusugan naman ng City Ordinance No. 1043 o ang ordinansang pansamantalang nagde-designate ng ilang bahagi ng national roads na pwedeng pagdaanan ng mga traysikel, pedicabs, at motorized pedicabs.
“After the said dry-run, on December 24, 2020, we already imposed the penalty for violating the ordinance,” ang bahagi pa ng liham ng hepe ng CTMO.
Nakasaad sa City Ordinance No. 1043 na pinapayagang makadaan ang mga traysikel, pedicabs at mga motorized pedicab sa Malvar St., parte ng Rizal Avenue mula sa pier hanggang sa Roxas St. at vice versa, parte ng Rizal Avenue mula kanto ng Lagan Road patungong Canigaran at vice versa, at mula Abanico Road sa Brgy. San Pedro hanggang sa Crocodile Farm sa Brgy. Irawan at vice versa.
Pinapayagan namang tumawid ang mga traysikel, pedicab at mga motorized pedicab sa mga national road gaya sa Rizal Avenue ang mula sa Sandoval St., Roxas St., Burgos St., Valencia St., H. Mendoza St., at Lacao St.
Gayundin, pinapayagang makatawid ang naturang mga sasakyan mula Malvar St. sa San Pedro National Highway patungo sa WESCOM Road at vice versa, Libis Road sa San Pedro National Highway papuntang Pineda Road at vice versa, mula sa Castro Road sa San Pedro National Highway patungo sa Lanzanas Road at vice versa, mula sa Pagayona Road na tatawid naman sa Puerto Princesa North national Highway sa Brgy. San Jose patungo sa New Public Market Road at vice versa.
Kasama rin dito ang pagtawid ng naturang mga sasakyan mula sa Manga St. (Caabay Road) sa Puerto Princesa North National Highway sa Evangelista St. (Dandal Road) at vice versa, mula sa Andres Road at tatawid sa San Pedro National Highway patungong Nadayao Road at vice versa at ang mula sa Santol Road sa san Jose National Highway sa Sta. Monica-San Jose Road at vice versa.
Nakasaad din sa nasabing ordinansa na ang sinumang lalabag dito ay papatawan ng multang P500 sa unang paglabag, P1500 sa ikalawa, P3000 sa ikatlo at P5000 at pagkakansela sa prangkisa kung mahuhuli pang muli. Inaatasan naman ang CTMO na manguna sa pagpapatupad ng City Ordinance 1043, katuwang ang PNP, PNP Highway Patrol Group at ang Land Transportation Office.
PUBLIC HEARING PARA SA MGA DAGDAG NA EXEMPTION
Samantala, sa naganap na committee meeting kahapon, kabilang din sa hiniling ng ilan sa Federation of Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) in Puerto Princesa City, Inc. (FTODAPPCI) ay isama sa exemption ang kalsada sa tabi ng Hotel Centro, sa Lansanas Road sa One Asenso, ang bandang Black Nazarene patungong Pablico Road 1 at ang daan mula sa Tonie’s Mart sa Pablico Road 3 upang di na sila umikot pa sa New Market.
Tinanong naman ni Kgd. Maristela sa kinatawan ng CTMO na si Allan Mabella kung gaano kalayo ang papayagang tawirin ng isang trasysikel sa national highway na ang sabi niya ay 50 metro lamang.
“Dahil kung masyadong malayo, baka naman mawala na ang purpose ng ordinansa kung masyadong mahaba [rin ng parte ng national highway ang kanyang matatakbuhan], halimbawa 200 meters na ang pagitan [ng interior road sa pupuntahang interior road],” ani Maristela.
MULING PAG-UUSAPAN ANG ORDINANCE NO. 1043
Sa nakatakdang muling pag-uusap sa susunod na Huwebes, inaasahang iimbitahan ang mga concerned punong barangay o kanilang mga kinatawan ng San Miguel, San Pedro, San Manuel, San Jose, Tanglaw at Tiniguiban upang sila ay makonsulta lalo na umano ang kahilingang makatawid sa San Miguel National Highway ang mula sa paliparan ng siyudad.
Binigyan din ni Maristela ng kopya ng liham ni CIO Ligad ang mga dumalong tricycle driver at sinabi sa kanila na kung may idadagdag silang lugar ay isulat lamang nila at ibigay sa Secretariat.
Umaasa ang chairman ng Committee on Transportation na marami na ang makadadalong miyembro ng Konseho sa susunod na Huwebes dahil hindi lamang nai-refer ang nasabing usapin sa kanayng komite kundi maging sa Committee of the Whole.
Para umano sa kanya ay walang problema na maaprubahan agad ang kahilingan para sa Rizal Avenue mula Baltan St. hanggang Fernandez St. at ang sa Adventist Hospital patungo sa JIL Church sa South National Highway..
Discussion about this post