Sa pamamagitan ng isang liham ay dumulog sa City Council ang mga elected officer ng Purok Pag-asa, Brgy. San Manuel at naglahad ng kanilang hinaing laban sa kanilang punong barangay na hindi umano kumikilala sa paghalal sa kanila ng kanilang mga ka-purok.
Sa regular na sesyon kahapon, tumayo sa plenaryo si Maristela at nagbigay ng kanyang privilege speech ukol sa nasabing liham na pirmado ni Purok President Justice Niala, sampu ng kanyang mga kasamahang opisyales, na natanggap ng kanyang tanggapan noong Okt. 15.
Ayon sa konsehal, nais malinawan ng nasabing mga indibidwal, na naroon din sa Session Hall ng Sangguniang Panlungsod, sa kung bakit hindi sila tanggap ng kanilang punong barangay na si Kapt. Gloria Miguel at iginiit na ang ginawa nilang pagtuloy sa eleksyon kahit may itinalaga na siyang purok president ay nasa tama lamang.
Batay sa liham, nais lamang nilang magkaroon ng isang maayos at mapayapang eleksyon sa kanilang purok kaya ang una nilang ginawang hakbang ay magpadala ng letter of request noong Sept. 21 na may kalakip na mga lagda ng mga residente bilang pagrespeto kay Kapt. Miguel, na payo rin umano sa kanila ng isang kagawad.
Ngunit dakong 2:45 pm ng petsang nabanggit, nang sila ay magpapirma na, ay tumanggi umano si Kapt. Miguel na tanggapin ang liham dahil may itinalaga na siyang presidente ng purok na si Jonah Cervancia na asawa ng isa sa kanyang mga tanod. At makalipas ang 25 minuto ay nakita na umano nilang naka-post na sa Facebook account ng ingat-yaman ng barangay na si Roselyn Delgado ang mga larawan ng bagong talagang presidente ng Purok Pag-asa.
“Ibig sabihin ay bago pa lang siya (kapitan) nag-appoint pagkatapos niyang ni-reject ang aming request letter para sa eleksyon ng purok. Kaya ang ginawa namin, tinuloy pa rin namin ang aming eleksyon dahil ang letter request namin ay may kalakip na pirma ng mag residente sa aming purok, dahil ‘yon ang gusto ng karamihan—ang magkaroon ng eleksyon….,” ang bahagi ng liham.
Kinabukasan umano ay kinausap sila ng bagong talagang purok president at ipinaabot sa kanila na kapag hindi sila sumunod sa kanya bilang siyang in-appoint ng kanilang punong barangay ay sila basta-basta makakukuha ng anumang clearance sa kanilang barangay gaya ng barangay certification na ayon na rin umano sa kautusan ng kapitan.
NANGYARI RIN SA IBANG PUROK?
“Kahit sa ibang purok ay ganoondin ng kanyang ginagawa kaya nagkakagulo at dumudoble na ang mga opisyales ng purok,” ang bahagi pa ng liham. Kaya tanong nila sa kasalukuyan ay kung makatarungan ba at tama ba ang ginawa sa kanila ng kanilang kapitan na magtalaga ng mga purok officers ng hindi alam ng nakararami sa purok kundi ng mga itinalaga lamang at ng kapitan.
Kalakip naman sa liham ang mga pangalan ng ibang mga opisyales ng Purok Pag-asa na hindi umano tinatanggap ni Kapt. Miguel dahil lagi niyang sinasabi na “Ako’y may in-appoint na at ako ang kapitana [rito] at ako ang masusunod!”
Sa huli, ayon sa mga lumiham kay Kgd. Maristela na ang nais lamang nila ay tanggapin at kilalanin sila ni Kapitana Miguel bilang mga pinili ng mga mamamayan ng kanilang purok.
‘PAGLABAG SA BILL OF RIGHTS
Sa privilege speech ni Kgd. Maristela na pinamagatan niyang “Karaingan ng mga taga-Purok Pag-asa sa Brgy. San Manuel,” hinikayat niya ang kanyang mga kasamahan sa Konseho, sa pamumuno ni Bise Mayor Maria Nancy Socrates na tugunan ang isyu.
“Sa unang tingin, ay maaaring maliit na bagay lamang ito. Maaari ngang sabihin na problemang pang-barangay lamang ngunit kung susuriin nang mabuti ay malinaw na paglabag sa karapatan ng ating mga mamamayan na ginagarantiyahan ng saligang batas,” ani Maristela.
Paliwanag ni Maristela, ang naganap sa nasabing barangay ay isang uri ng pagsuway sa nakasaad sa Section 8 ng Article III (Bill of Rights) sa Saligang Batas ng Pilipinas na nagsasabing hindi dapat hadlangan ang karapatan ng mga mamamayan, kabilang ang mga nagtatrabaho sa mga pampubliko at pampribadong sektor, na bumuo ng unyon, mga asosasyon, o grupo basta para sa layuning hindi labag sa batas.
“Ang mga purok association po ay hindi government corporation or entity. Ito po ay isang asosasyon ng mga magkakapitbahay at magkakapurok. Hindi ko naman po sinasabi na dapat hindi sumunod sa mga alituntunin ng mga pamahalaang pangbarangay ngunit ang mag-appoint ng purok president sa isang purok ang at hindi kikilalanin ang mga opisyales na inihalal ng kanilang mga miyembro ay hindi lamang pagmamalabis sa kanyang kapangyarihan kundi paglabag din sa karapatan ng ating mga kababayan sa malayang pagtatayo ng mga asosasyon sa ilalim ng ating Saligang Batas,” ani Maristela.
Ibinulgar pa ng konsehal na di na bago sa kanya ang ganitong usapin.
“Ang ganitong pangyayari ay maaaring hindi lamang nangyayari sa Brgy. San Manuel. May naririnig din po ang inyong lingkod na may nangyayari rin pong ganito sa ibang barangay na kung hindi gusto ng kapitan ang inihalal na purok president sa isang purok ay naglalagay siya ng iba kaya ang nangyayari, sa halip na lalong magkaisa at magtulungan ang mga magkakapurok at magkakapitbahay ay nagkakahati-hati pa ito,” aniya.
“Dahil ba hindi kakampi sa pulitika ng kapitan ang nanalong purok president kaya naglagay siya ng iba? Ganito na ba kalala ang pulitika sa lungsod? Mga kasama, ito po ay hindi maganda para sa ating mga kabarangay at sa ating bayan,” komento pa ni Maristela.
Iminungkahi naman ni Kgd. Herbert Dilig na dahil base sa mga naunang kautusan ng DILG ay malinaw na usaping legal ang nagaganap ngayon sa San Manuel, marapat lamang na ang naturang ahensiya rin ang magbigay-linaw sa isyu. Ngunit bagamat maganda ang suhestyon ni Kgd. Kgd. Dilig, iginiit ni Maristela na dapat mauna munang pag-usapan sa Komite ang usapin at kung irerekomenda ng Komite na iaakyat ang isyu sa DILG ay saka pa lamang nila gagawin.
Sa kasalukuyan ay nakatakdang pag-usapan ang isyu sa joint committee meeting ng Committee on Legal Matters at Barangay Affairs (ang magpe-preside) na pinamumunuan ni ABC Federation President, Kgd. Francisco Gabuco.
Discussion about this post