Bandang 10:00 PM ay maayos na nakarating ng Puerto Princesa ang mga mangingisdang taga-lungsod mula sa Mindoro na hindi agad nakabalik ng siyudad dahil sa ipinatupad na lockdown sa buong Luzon dulot ng COVID-19.
Dumaong sa Honda Bay ang 35 bangka na sakay ang 181 na mga indibidwal na binubuo ng mga mangingisda at kanilang pamilya matapos na nagsimulang maglayag mula sa Sablayan, Occidental Mindoro noong Mayo 3. Nasa 20 umano rito ay mga kababaihan kung saan dalawa ang buntis at isa ang bagong panganak habang pito naman ang mga bata at mga menor de edad.
Ayon kay City Information Officer (CIO) Richard Ligad, pawang mula sa lungsod ang nasabing mga indibidwal na mula sa mga barangay ng Bagong Sikat, Bagong Silang at Bancao-Bancao.
Ngayong umaga ay inaasahan umanong isailalim sila sa check-up saka dadalhin sa inihanda ng quarantine facility ng siyudad upang doon pansamantalang mamalagi sa loob ng 14 araw.
Kaakibat naman ng agam-agam ng mga taga-lungsod na nanggaling ang nasabing mga indibidwal sa probinsiya na may mataas na kaso ng Coronavirus disease 2019 ay tiniyak ng mga kinauukulan na walang dapat na ipag-alaala ang mga mamamayan sapagkat naisagawa na ang lahat ng health protocol at kinakailangang mga hakbang bago sila pinayagang makauwi sa lungsod.
Matatandaang kahapon ng hapon ay mainit na pinag-usapan sa social media ang post ng businessman na si Jimboy Larrosa na mula sa baybayin ng Brgy. Binduyan sa bahaging norte ng lungsod ay ipinakita niya ang nakahelerang bangka mula sa laot.
Sa kanyang video, binanggit niyang nagulat lamang umano sila at naalarma na may maraming malalaking bangka ang sunod-sunod na umaandar patungo sa city proper ng Puerto Princesa.
“Narito ako sa Binduyan at nagulat ako mayroon kaming nakita na almost 30—di ko alam kung warship ito o mga barkong malalaki na papasok ng Palawan, ng pier. Mga 30 sila sunod-sunod, nakakagulat,” aniya ngunit nilinaw ng Coast Guard District Palawan (CGDP) na iyon ay ang mga mangingisda mula sa Mindoro na pinayagan nang makauwi sa Puerto Princesa matapos ang maayos na koordinasyon sa mga kinauukulan.
Discussion about this post