Ililipat na sa Agricultural Center sa Barangay Irawan ang mga maninindang pinaalis sa bagsakan area ng New Public Market sa Barangay San Jose. Ito ang kinumpirma ni Dorna Cadja, Board of Director ng mga manininda sa New Public Market. Isasagawa umano ito ngayong Araw ng Mga Puso, Pebrero 14, at magkakaroon ng pagdiriwang sa opisyal nilang paglipat.
“Naka-schedule na, nakausap-usap na kami ni Councilor Elgin Damasco. Bale napagkasunduan po namin na lilipat kami doon sa Irawan sa February 14, taun po namin ng Araw ng mga Puso. Maga-launching kami doon. Mayroon po kami napagawa na mga tarpaulin. Tutulungan din kami ng Old Market na mga officers. Sila po ang pinaka [katuwang] namin doon.”
Dagdag pa ni Cadja, may ilan nang maninindang pumayag na lumipat sa Agricultural Center, Brgy. Irawan upang makakuha na ng puwesto. Ngunit ninanais naman ng karamihan sa kanila na mailipat sa Sampaloc Road, Brgy. San Jose.
“Nasa kulang-kulang kami ng 600 [na vendors]… Yung iba halos hindi [pumayag na lumipat]. Nasa ilan lang po pumapayag kasi ang [gusto] nila daw [ay] yung sa Sampaloc [rd., San Jose]. Ang Sampaloc [Road] po talaga parang hindi nila papayagan. Diyan po halos [lahat ng manininda gusto lumipat] pero pumayag nalang yung iba dahil siyempre nag-[aasam] din sila magkaroon ng mapuwestuhan ng agaran. Kasi lahat naman talaga halos ang pinaka-target talaga doon kami ililipat sa Irawan.”
Ayon naman sa tanggapan ng New Public Market, mahigit 100 na manininda na ang mga nagpahayag ng kanilang interes lumipat sa Irawan. Kasama na rito ang mga nagtitinda ng prutas, gulay, furnitures, bigas, dry goods at iba pa. Magsasagawa rin ng ‘draw lots’ bukas upang maitalaga ang kanilang mga pupuwestuhan. Iminumungkahi din nila kay Market Superintendent Joseph Carpio na magkaroon ng tindahan ng karne at isda upang mas mahikayat ang mga mamimili pumunta doon dahil andoon na ang karamihan sa mga pangunahing bilihin.
Sa kasalukuyan, nakikiusap si BOD Cadja na hayaang pansamantala silang magtinda sa gilid ng kalsada papasok sa palengke hanggat hindi pa sila naililipat.
“Yun na lang ang pakiusap namin na pansamantala na kami dito hanggang February 14. Basta nung na-demolish kami, kaniya-kaniya kaming buhat ng [mga paninda at gamit] tapos nag-hilera nalang kami pansamantala na lang para sa February 14. Para malalaman din ng ibang kasamahan namin na vendors yung update kung talagang kailan ililipat sa [Brgy. Irawan]. Pero hindi pa namin sila napa-meeting so bali-balita na lang naming na sa [February] 14 talaga yung pinaka-expect namin [na opisyal na paglipat doon].”
Discussion about this post