Bukas umano ang One Palawan Movement sa isang debate o forum kaugnay ng plebisito para paghahati ng Palawan sa tatlong probinsya.
“Yes, open na open kami diyan [sa debate], kami ay handang-handa. Matagal na naming gusto na may ganyan. Pero sa actual, noong bago pa magka-COVID, yung mga school ay nag-attempt sila mag-imbita ng both sides. Hindi sumisipot ang kabila kami lang ang nandoon palagi.” Pahayag ni Cynthia Sumagaysay-Del Rosario ng One Palawan Movement
Payag din umano ang kampo ng 3 in 1 Palawan na magkaharap ang mga kontra sa paghahati ng Palawan sa isang talakayan. Subalit sana raw ay huwag nang ipukol ang mga dating isyu na matagal na umanong tinuldukan ng Korte Suprema.
“Yes. Siguraduhin lang nila na may mga bago silang mga issues kasi kung hindi rin sila naka-move on sa mga dating issues. Ang sabi ng Supreme Court yung mga issue nyo na yan, walang laman. 15-0 ang boto ng Supreme Court diyan sa mga issues na palagi nilang paulit-ulit. Sa amin, ano pang pag-uusapan? Supreme Court na ang nagsabi,”
“Substantial issue ang kanilang basehan kung bakit ayaw nila, kami maliwanag kung bakit gusto namin [ang pagtatatag ng tatlong probinsya sa Palawan],” pahayag ni Winston Arzaga, Palawan Provincial Information Officer.
Samantala ipinaliwanag naman ni Jomel Ordas, tagapagsalita ng Palawan Provincial COMELEC na kahit anong grupo ay maaaring mag-organize ng isang debate o forum pero kailangan na mapakinggan ang dalawang panig para mas maliwanagan ang taong bayan.
“Issue ng plebiscite puwede yan nasa rules naman natin yan. Ang sino mang grupo, civil groups, professional group at NGO (Non-Government Organization), puwede mag-organize ng mga debate o symposium, pero invited niyo parehong kampo kasi para parehas. Ang purpose noon ma-inform natin ang mga botante sa mga tamang issues para malaman nila,”
Samantala kung sakali naman na magsagawa ng ganitong aktibidad ay dapat ipaalam sa COMELEC upang mabantayan ng kanilang tanggapan at magabayan ang pagsasagawa nito.
“Halimbawa gagawin nila yan sa munisipyo, dapat inform nila yung o proper coordination doon sa election officer. Dito naman sa provincial level nila gagawin, dapat may proper coordination sa Provincial Election Supervisor natin. At least alam namin para kahit papaano makapag-monitor kami.“
“Kung sa virtual, ganun lang [din ang ] rules natin doon na dapat properly coordinated sa election officer kasi dapat siguraduhin natin na patas pero kung ang isang campaign ay para sa ‘Yes’ lang [at] para sa ‘No’ lang, mayroon tayong rules doon na dapat compliant sila.”
Discussion about this post