Hinahanap pa rin ng Puerto Princesa Incident Management Team (IMT) ang indibidwal na itinuturing na ‘patient zero’ o ang carrier ng COVID-19 na ugat ng bagong local transmission ng COVID na sakit sa Puerto Princesa.
“Sa ating ginagawang mga contact tracing [at] sa pagte-test natin [ng RT-PCR sa mga indibidwal ay] makikita natin na may opisina na talagang marami yung nagpositibo po doon. So, under evaluation pa rin po yun at sabi nga natin na hindi pa rin kami puwede mag-final na sagot.” Ayon kay Dr Dean Palanca, IMT Commander.
Paglilinaw nito, may teorya na sila kung saan maaaring nagsimula ang bagong local transmission sa lungsod. Ngunit hindi pa umano sila sigurado kaya’t hindi pa ito inilalabas sa publiko.
“Meron kaming mga theory [at] meron kaming mga evidences pero di pa kami makapagsabi na talaga ang final na pinagmulan po niyan. So, hindi pa rin kami makapagsagot diyan talaga ng final na sagot po diyan. Tuloy-tuloy pa po kasi ang ating ginagawang contact tracing [at] may lumalabas na naman na panibagong positive so tinitingnan namin kung saan yung connections po nila [o] kung saan po galing, saan po siya nahawa, [at] kanino pong first generation.”
Dagdag pa nito, sinusuri pa nila ang mga nagpo-positibo sa COVID-19 upang magkaroon ng matibay na ebidensya at ma-contain na ang pagkalat ng virus.
“Pero meron po kaming mga sabi nga natin upon evaluation, meron pong mga theory po naming na maaaring dito po nag-umpisa po yan. Mahirap pero wala pa rin po kaming sabi nga natin na ‘ito talaga’…”
Sa kasalukuyan ay nasa 202 na ang kabuuang bilang ng naitalang kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Puerto Princesa at 38 rito ay aktibong kaso.
Discussion about this post