Matapos mag deklara ng dry season nitong nagdaan Marso 16, 2022, ang Philippine Atmospheric, Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA), sinisiguro ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) na hindi magkukulang ang supply ng tubig dahil sa init na nararanasan ngayon sa lungsod.
Ayon kay Jenn Rausa, tagapagsalita ng Puerto Princesa Water District, patuloy umano silang nagsasagawa ng monitoring sa lahat ng mga water sources ng lungsod at wala umano sila nakikitang indikasyon na maaring magkulang ang kanilang supply ng tubig ngayong panahon ng tag-init.
“So nag re-raise na po kami ng initial public advisory tungkol po dito sa itong pagpasok ng dry season. So ngayon tuloy-tuloy po yung monitoring natin ng supply ng tubig natin sa mga major sources natin sa Campo uno Montible at Lapu-Lapu and so far po maganda pa naman yung production ng mga sources natin na ito at wala pa talagang bumababa para mag declare tayo ng alert level 1,” pahayag ni Rausa.
Kumpiyansa ang PPCWD na kung sakaling humina ang ilang mga pinagkukunan tubig ay nandiyan ang Lapu-Lapu at Montible na kayang mapanatili ang produksyon ng tubig.
“Pero hindi na po natin nakikita na aabot tayo doon [water supply] kasi ngayon po kalahati na tayo ng March at tuloy-tuloy pa naman yung production and also yung Montible source natin malaking tulong po iyon, ito po yung makakapag augment ulit ng ating water supply,”
Samantala, muli naman nagpaalala ang pamunuan ng PPCWD sa consumers nito na makinig sa kanilang mga paalala at wala umano dapat pangambahan.
“Bababa po talaga yung ating water level, yung production natin pero asahan po ng ating mga consumers na tuloy-tuloy naman yung effort ng ating opisina para po ma-ensure na hindi na tayo aabot doon sa magdi-declare tayo ng alert level o pag-declare ng water rationing. Pero sa ngayon po ay nakikita natin na hindi tayo aabot doon dahil until now malakas yung pressure at mataas pa yung supply ng tubig ng ating sources,” pahayag ni Rausa.
Discussion about this post