Ibinahagi ni Dr. Ricardo Panganiban, City Health Officer at Chairman ng Puerto Princesa City COVID-19 Vaccination Council, na maliban sa mga napiling bibilhing bakuna ng lokal na pamahalaan ay makakatanggap din ang lungsod ng Puerto Princesa ng mga libreng bakuna kontra COVID-19 mula sa National Government.
“Puwera pa sa bibilihin ng City ay mayroon din pong mai-pro-provide yung national government.”
Ayon sa isang residente ng Barangay Sta. Monica, mainam na may iba pang bakuna na mapagpipilian. Pero nariyan umano ang usapin ng pagiging epektibo ng mga bakuna.
“Mas maganda na merong extra vaccine sila. Pero siyempre libre, ‘di natin alam kung effective din yun siya lalo na yung binili natin di rin natin alam kung effective.”
Naniniwala naman ito na kung ang Sinovac ang ibibigay sa lungsod ay hindi papayag ang mga mamamayan na mabakunahan nito.
“Kung malalalaman ng mga tao na taga [lungsod ng] Puerto na yun yung kukunin, I don’t think so na may magpapa-vaccine kasi sa mga nabasa nila sa mga social media [at] sa mga naririnig nila sa news yung hindi magandang [epekto ng bakuna] kumbaga 50/50. So iniisip nila kung magta-take kami niyan, yung buhay din nila 50/50, not sure. So hindi i-gra-grab ng mga tao.”
Maaalalang inanunsyo ni City Mayor Lucilo Bayron nakaraang buwan na maglalaan ang City Government ng P500 million para makabili ng bakuna. Pumirma na rin ito ng kasunduan sa Astrazeneca upang mag-supply ng bakuna sa lungsod.
Discussion about this post