Lubos na pasasalamat ang ipinarating ng pamunuan ng City Library ng lungsod ng Puerto Princesa sa blogger at consultant ng Palawan Daily News (PDN) na si Evo Joel Contrivida na nagbigay ng libreng seminar ukol sa pagba-blog noong ika-20 ng Nobyembre.
Ibinahagi ni Contrivida ang mga tips sa mga kabataang manunulat at content creator kung paano ang pagsulat ng blog at kung paano lumikha ng nakahihikayat na mga paksa sa digital platform. Ang pagba-blog, ayon sa Merriam-Webster Dictionary ay isang web site na naglalaman ng mga online personal reflections, mga komento, at kadalasan ay hyperlink na ibinibigay ng writer at tumutukoy din sa mga isinulat ng isang indibidwal ukol sa kanyang personal na mga opinyon, mga aktibidad at mga karanasan.
Dumalo sa kalahating araw na aktibidad ang nasa 35 mga Grade 9 students ng Palawan National School (PNS). Dumating din ang anim pang barangay satellite employees ng City Library at ang mga local blogger ng lungsod at lalawigan ng Palawan.
Ang nasabing aktibidad ay kaugnay sa ika-29 pagdiriwang ng Library and Information Services (LIS) Month batay sa Presidential Proclamation No. 837, s. 1991 na ginugunita kada buwan ng Nobyembre.
Ayon kay City Librarian-in-charge Joymarie B. Olape, natuwa siyang naging interesado ang mga kabataan sa aktibidad na isinagawa mismo sa loob ng City Library. Aniya, makatutulong ito upang ang mga hindi pa nagkakaroon ng pagkakataong makapasok sa Aklatan ng lungsod ay makarating na sa lugar at mas malaman pa ang mga serbisyo at kahalagahan nito.
Masaya niyang ibinahagi na si G. Contrivida mismo ang nag-alok ng pagbibigay ng libreng “talks” sa mga mag-aaral.
“I was moved with this generation na maraming fake news. Hindi naitatama ang mga detalye lalo na online. It’s good thing na Library Month [ngayon], nakita ko na magandang venue [ito] to educate our youth na gamitin ang Library kasi andiyan lahat ng totoong facts,” ayon naman kay G. Contrivida nang tanungin kung ano ang naging inspirasyon niya sa libreng aktibidad na isinagawa para sa mga estudyante.
Bilin pa niya sa mga kabataan na bagama’t masaya at glamorosa ang mundo ng social media ngunit pakatandaan na “pwedeng sikat ka ngayon bukas hindi na, kaya iba pa rin ang nakapag aral. “Yung may natapos para may security ka sa sarili mo.”
Ayon naman sa Grade 9 student na si Anna Leonora Rodriguez, isa sa mga manunulat ng “The Palawenian” at kumukuha ng Science, Technology, Engineering and Math (STEM) track, bilang writer ay ibig din nilang matutunan kung ano ang iba pang larangan na pwede nilang makuha. Aniya, sa pahayagan ng eskwelahan ay mga mag-aaral lamang ang kanilang naaabot habang sa web ay mas marami dahil kunektado sa iba’t ibang network gaya ng blogging.
Nang dahil dito ay hindi na umano sila nag-alinlangang dumalo sa kalahating araw na aktibidad na ipinabatid sa kanila ng kanilang librarian. Doon ay binigyan aniya sila ng impormasyon kung paano magsimula, kung ano ang makukuha nilang mga benepisyo sa pagba-blog at iba pang oportunidad gaya ng pupwede rin nila itong pagkakitaan.
KAHALAGAHAN NG SILID-AKLATAN
“Mayroon pa ring mga books na hindi nasa internet. So, may mga information na hindi mo makukuha sa internet na sa Library lang matatagpuan and kasi ‘yung internet, hindi natin nako-control , hindi natin know [minsan] kung reliable, kung totoo ang makukuha mo. At least kung sa books, published ‘yun. Alam natin na totoo po talaga ang info,” ayon naman kay Rodriguez, nang tanungin kung naniniwala pa rin siyang mahalaga ang library sa gitna ng pag-unlad ng teknolohiya na nagbibigay ng ibang opsyon sa pag-aaral at mga babasahin.
Aniya, ginagamit pa rin nila ang pasilidad sa pananaliksik kaugnay sa napiling track sapagkat kailangan nila ang mga mapagkakatiwalaang references.
“Actually, ginagamit po namin ang library kasi, ‘yun po, sa track namin, research po talaga [ang ginagawa namin], kasi sa mga studies namin, kailangan naming maghanap ng mga references talaga. So, puntahan po talaga namin ang ‘yung library,” masaya niyang pagbabahagi.
Sa kanya pa umanong obserbasyon, kahit sa kanyang mga kamag-aaral ay mas gusto pa rin nila ang magbasa ng libro. “Iba pa rin po ‘yung nakukuha sa libro kaysa sa internet,” aniya.
“Reading is a way to learn. ‘Yun ang parang gate sa new knowledge and without reading, parang kino-close [mo] lang ‘yung sarili mo para hindi maka-absorb ng new knowledge kasi ‘yung books, sobrang dami nitong nagagawa sa atin. Ang dami nating natutunan. Actually, nakaka-travel din tayo through books di ba!? Siyempre, kahit may mga phones na po, gadgets, never dapat nilang (mga kabataan) makalimutan ‘yung importance ng mga books,” mensahe pa niya.
Kaugnay naman sa serbisyo ng City Library, kung sila umano ang tatanungin ay ibig din nilang magdagdagan ang oras at araw na ito ay bukas halimbawa ng Sabado at Linggo. Sa kasalukuyan naman, bagamat may aprubado ng resolusyon si Kgd. Roy Ventura na gawin ng 24 oras ang serbisyo ng nasabing pasilidad mula Lunes hanggang Biyernes ngunit hindi pa rin naipatutupad dahil sa kakulangan ng empleyado.
“Kasi ‘yung schedule…‘yung uwian namin, hindi na kami nakakaabot pa sa library. So, at least kung Sunday ay mabuksan para ‘yung mga student na walang time, may chance [pa rin] pong makapunta [rito],” ayon pa kay Rodriguez.
Sa kabilang dako, tagubilin naman ni City Librarian Olape na libre lamang na pumunta sa library at itinayo ito para sa publiko kaya hiling niya na huwag nilang hayaang di magamit.
“Sana magamit nila [ito] kasi ang library is for them, reference di ba, for aid para makatulong sa education nila.”
Ang City Library, na affiliated din ng National Library of the Philippines (NLP) ay may mandatong maghikayat ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga aktibidad. Ngayong Nobyembre, ipinagdidiriwang ang Library Information Month habang kada ikatlong linggo naman ay National Book Week.
“The satellite libraries program was one of the awardees of Galing Pook Award,” kwento pa ni Olape.
“No’ng time na ‘yun, ‘yung satellite libraries was one of the awardees kasi nagbo-boom palang ‘yun eh, di katulad ngayon, ‘yung National Library, bago palang sila [naghihikayat ng] ‘Establishment ng Barangay Reading Center,’ kami mayroon na; bago palang sila, kami mayroon na,” dagdag pa niya.
Samantala, ang lungsod ng Puerto Princesa ay mayroong pitong satellite library na matatagpuan sa mga barangay ng Sta. Lourdes, San Jose, Langogan, San Rafel, Mangingisda, Inagawan at Kamuning.
Discussion about this post