LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Isang netizen mula sa lungsod ang nagpadala ng kaniyang mensahe sa Facebook Page ng Palawan Daily News ukol sa diumano’y pambubugbog ng isang pulis sa kaniyang ama.
Kinilala naman ang pulis na si Police Officer 2 Ryan Chris Cabaña ng City PNP Police Station 1 na naka base sa Mendoza, lungsod ng Puerto Princesa.
Isinalaysay ng complainant sa Palawan Daily News na pinosasan at hinuli ang kanyang ama pagkatapos na inawat nito ang isang police na tinitirador ang bote sa gilid na kanilang tahanan sa Barangay Bancao Bancao noong nakaraang Linggo, ika-26 ng Agosto.
Dagdag ng compalainant na nagpapahinga ang grupo ni PO2 Cabaña dahil nag raid umano sila sa mga ilegal na pasabong sa lugar na iyon subalit wala silang nahuli. Dahil sa pagka-awat ng amain nito sa kasamahang pulis, bigla nalang umano sumigaw si PO2 Cabaña na “hulihin na yan kasama ‘yan sa ilegal na nagsasabong.”
Pinabulaanan ito ng anak ng biktima.
“Hindi sangkot sa illegal cock fighting kundi bumaba lang po ang daddy ko at inawat yung police na huwag tiradorin ang bote baka po makasugat sa mga bata sa pinag lalaroan nila. Bigla po sya pinosasan at dinala sa police station ng wala man lang silang ebidensya na nakuha galing po sa daddy ko,” saad ng complainant.
Ang kanyang ama na si Omar Chito Mil Reynoso y Rago, 50 years old, ay natamo ng sugat at pasa sa gilid ng mata, at sugat sa magkabilaang parte ng tenga nito dahil sa pang bubugbog at tadyak ni PO2 Cabaña na nangyari mga alas dos ng madaling araw ng Lunes, Agosto 27, sa loob mismo ng prisinto.
Aniya nasa duty ang pulis at lasing pa ito nang pang bugbugin nito ang kanyang ama.
“Binastos nya rin po yung lolo ko at sobrang nainsulto po kami sa police na bastos po makipag usap sa nakakatanda po sana po bigyan nyo po ito ng pansin upang hindi madumihan ang ibang uniporme ng kapulisan sa Palawan po at binugbug ng walang kalaban laban habang naka posas.”
Humingi ng tulong ang anak ng biktima at sinasabing natatakot ang pamilya mula sa pulis.
“Hindi po kasi kami naglalabas po ng bahay. Binantaan po kasi kami na papatayin daw po kaming tatlo kaya po mga tita ko po ang nag-aasikaso sa kaso po,” saad ng complainant.
Dagdag nito sana di na maulit ito at maparating sa mga otoridad ang ginawang pananakit ng pulis.
Ayon sa pakikipag panayam ng Palawan Daily News sa ahensya ng pulisya ay inilahad ni Mendoza Police Station 1 Police Chief Inspector Mark Allen Palacio na ang nangyaring insidente ay dapat na dumaan sa isang formal complaint at due process.
Dagdag ni Palacio, bukas aniya ang kanyang opisina para sa magrereklamo laban sa kanyang mismong tauhan.
Itinama rin ni Palacio na ang pulis na nasasangkot ay isang opisyal bagkus ay baguhan lamang ito sa ranggong PO2.
Sinabi ni Palacio malaya ang magrereklamo na lapitan ang sinuman at anumang ahensiya, samantalang sakaling kumpleto ng ebidensiya ang complainant, sa kabila na umano’y sangkot ito sa ilegal na pasabong, ngunit pinagmalupitan umano ng pulis, hindi niya itotolerate ang bagay na ito.
Samantalang bilang dagdag na impormasyon sa mga nakabatid ng pangyayari, pinayuhan ng isang netizen o concerned citizen ang biktima na mag-reklamo sa internal affairs office ng pulisya o dili kaya ay idirekta kay PNP Regional Director Manuel Licup ang reklamo dahil tiyak na hindi ito palalampasin ng PNP Regional Office.
Si Reynoso ay nakalabas na ng kulungan pagkatapos ng nagpiyansa sa kasong illegal cockfighting na isinampa laban sa kanya.
Nag file na din ng kaso ang pamilya nito para makamit ang hustisya.
Sinikap ding kunin ng pahayag si PO2 Cabaña ngunit hindi nito sinasagot ang mensahe ng Palawan Daily News.
Discussion about this post