Patuloy ang isinasagang price monitoring ng Department of Trade and Industry (DTI)-Palawan sa mga noche buena products, kasabay ng pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Ayon sa Information Officer ng Department of Trade and Industry (DTI)-Palawan na si Welson Paz, simula buwan pa lamang ng Nobyembre ay umiikot na ang kanilang ahensiya upang i-monitor ang mga presyo ng mga pagkaing karaniwang inihahanda tuwing Kapaskuhan at Bagong Taon. Nasa kanilang mandato na tiyaking hindi sasamantalahin ng mga mall at mga pangunahing tindahan ang presyo ng mga seasonal items na noche buena products.
“Ang atin pong DTI head office po ay naglabas po ng suggested retail price ng ating Noche Buena for 2019 last October 31, 2019 and from the start po ng first week po ng November ay nag-monitor na po tayo ng ating Noche Buena products,” pahayag ni Paz sa panayam ng Palawan Daily News (PDN) noong ika-19.
Sa pamamagitan ng Suggested Retail Price (SRP) o tinatawag ding Manufacturer’s Suggested Retail Price (MSRP) o Recommended Retail Price (RRP), nakikita ng mga konsyumer kung anong mga produkto ang pasok sa kanilang bulsa na accessible na ngayon sa website ng DTI sa pamamagitan ng E-presyo, ang Online Price Monitoring System (OPMS) ng DTI na maaaring bisitahin sa https://www.dti.gov.ph at maaari ring i-download sa Play Store.
“For example, ‘pag tingnan mo sa website, region is Mimaropa, and province is Palawan, and ‘pag iki-click mo ‘yun, makikita po ‘yung Puerto Princesa and other municipalities, and ilalabas po ng system kung anong tindahan [na] mura [ang mga paninda] pati ‘yung mahal eh makikita rin po roon,” ani G. Paz. “Actually, buong Pilipinas po ‘yun, pwede nating masilip [ang mga presyo] pero kung gusto n’yo pong makita ay specific lang po sa Puerto Princesa, na’ndoon…makikita po ‘yun.”
Ayon pa sa ahensiya, maganda ang kinalabasan ng kanilang monitoring sa mga presyo ng seasonal products.
Inihalimbawa ng tagapagsalita ng DTI na may mga noche buena product pa ngang mas mababa pa sa SRP halimbawa ng isang 430 grams fruit cocktail na ang SRP ay P51.20 na ibinibenta lamang ng isang supermarket sa halagang P50.75.
Ang ilang produkto naman umano, bagamat nagbago ng bahagya gaya ng 500 grams na ham na ang SRP ay P189 at sa pasasagawa nila ng monitoring noong unang linggo ng nakaraang buwan ay umabot sa P194, ngunit hindi na rin nagbago ang presyo nito sa isinagawa nilang monitoring noong unang linggo ng Disyembre hanggang noong ika-18 ng Disyembre.
“Marami rin tayong brand. Ibig sabihin pwede tayong mamili ng ibang brand kung tingin natin na mas mura pa ‘yung brand na ‘yun siyempre, kung bibilhin pa rin natin ang mas mataas, eh choice na po natin ‘yun. Sa market natin, maraming mapagpipilian,” aniya.
Sa listahan ng DTI ukol sa mga produktong kanilang maigting na mino-monitor tuwing panahon ng Kapaskuhan ay ang ham, fruit cocktail, cheese, sandwich spread, mayonnaise, keso de bola, pasta/spaghetti, elbow and salad macaroni, spaghetti sauce, tomato sauce at creamer.
Isa rin sa tipid tips na ibinahagi ng DTI sa mga konsyumer ay mas tangkilikin ang mga noche buena promo package kaysa sa bumili ng isa-isa o tingi-tingi.
“Ganondin po, gusto din nating i-suggest sa ating mga consumers na tangkilikin po ‘yung mga nag-o-offer po ng mga packages dahil sa tingin po natin, itong mga packages na ito ay [mas] mura compare po doon kung bibilhin natin [ang mga iyon] ng individual items,” paalaala ng Information Officer ng DTI-Palawan sa mga Palawenyo.
Ayon naman kay SM Supermarket Store Manager Catherine P. Primavera, na kung saan, isa ang kanilang area sa mga binisita ng DTI-Palawan noong ika-18 ng Disyembre, asingko pa lamang ng buwang kasalukuyan ay nagsimula na silang mag-display ng mga panghanda sa Pasko at Bagong Taon at tiniyak na dahil karamihan rito ay sariling produkto ng mall ay mabibili ang mga ito sa mas murang halaga.
Samantala, panawagan na lamang ng DTI Provincial Office sa mga negosyante sa lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan na patuloy na suportahan ang gobyerno at huwag mamantala.
“Sa atin naman pong mga negosyante, nawa po’y patuloy n’yo pong suportahan ‘yung DTI na sabi po namin na ‘wag po tayong magsamantala sa panahon po ng Christmas na tiyakin po natin ang mga presyo [ng inyong produkto] na sapat lang, nasa tama lang. At huwag tayong magho-hoard ng mga produkto, na sana po magamit ito ng ating mga consumers pagdating sa Christmas at New Year,” ayon kay DTI Spokesperson Paz.
Discussion about this post