Inanunsiyo nitong Lunes ng umaga ng Punong Lungsod ng Puerto Princesa ang pakikipag-usap ng siyudad sa isa pang kompanya na pupuwedeng mabilhan ng siyudad ng bakuna kontra COVID-19.
“Noong Friday, nakapag-initiate tayo ng talk with [the] country representative ng Johnson & Johson na nagma-manufacture ng Janssen COVID vaccine,” ang bahagi ng anunsiyo ni Mayor Bayron sa mga empleyado ng City Government sa isinagawang Flag Ceremony kaninang umaga ukol sa COVID-19 vaccine.
Ayon sa Alkalde, kasama niyang nakipag-usap sa kompanyang J&J ang Chairman ng Puerto Princesa City COVID-19 Vaccination Council (PPC- COVAC) at City Health Officer na si Dr. Ric B. Panganiban, ang PPC-COVAC Research and Education Committee head na si Dr. Adelito Posas, at si City Legal Officer Norman Yap.
“Naka-initiate na tayo ng contact doon pero mag-a-undertake pa sila ng phase three trial, sabi itong later part ng month na ito o early February… Kaya ‘di pa talaga tayo makapag-order talaga doon pero ipinaintindi natin na interesado tayong umorder [sa kanila],” saad pa ng Punong Lungsod.
Binanggit din ni Bayron na nakapag-order na rin ang lungsod ng Moderna COVID-19 Vaccine.
“Doon naman sa Moderna, naka-place na tayo ng order ng 100,000 doses ng COVID-19 vaccine pero wala pang tripartite agreement–‘yong pirmahan ng national government, ng vaccine manufacturer at saka ng Pamahalaang Panlungsod,” aniya.
Pagdating naman sa AstraZeneca vaccines, ipinabatid din ng Alkalde sa publiko ang update hinggil dito.
“At saka [ang] sabi, baka second semester [pa]….mula July hanggang December, ang delivery noong AstraZeneca [vaccines],” aniya.
“At ‘yong ilang gusto nating i-order ay wala ring commitment at saka, hindi [pa] natin malaman kung kailan darating kaya ang pinakamaganda talaga ay [patuloy na] mag-ingat ang bawat isa,” giit niya.
Ipinaliwanang ng Punong ehekutibo na ang panawagan niya sa tuloy-tuloy na pagsunod sa mga health protocol ay hindi lamang sa mga empleyado ng Pamahalaang Panlungsod kundi pati na rin sa mga mamamayan ng Lungsod ng Puerto Princesa.
Sa naunang panayam ng Palawan Daily News team, binanggit ni City Administrator Arnel Pedrosa na kahit nagkaroon na ng kasunduan ang siyudad at AstraZeneca ay malaya pa ring makabibili ng vaccine ang City Government mula sa iba pang kompanya para masigurong may maibibigay na bakuna sa mga mamamayan nito.
Discussion about this post