Nang makita ni Esteban na puspos ng banal na Espiritu ang kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesukristo sa langit ito ay nagbunga ng kahanga-hangang kapayapaan na kahit sa kuko ng kamatayan ay hindi natinag bagkus nag-umapaw pa sa isang katangian na kamukha ng Dios na kanyang pinaglilingkuran. Ito ang Bunga na ating kailangan. Buhay na makakakitaan ng bunga ng totoong pagbabago na walang kapangyarihan ang mundo na dungisan at bahiran ng kahit na katiting na kapintasan.
Sa Mateo 5:21-32 tinuro ni Kristo na hindi nararapat na tayo ay lumapit sa kanya ng may dalang anumang bahid ng kapintasan – kapintasang dala ng pagkainis, pagkapoot, pagkagalit o hinanakit sa kapwa at kapatid. Ang kanyang utos ay makipagkasundo sa taong kakiskisan bago ituloy ang pag-aalay. Ang mariing pamantayan ng Diyos kay Moises sa mga Israelita mula noong sila ay iniligtas Niya sa lupain ng pagdurusa at pagkaalipin ay dapat walang bahid ng kapintasan ang anumang iaalay. Sa ganitong paraan, hindi kaya nadudungisan ang ating alay sa Diyos, alay ng papuri at pagsamba tuwing tayo ay nagkakatipon-tipon, sa mga pagkakataong may natatago tayong inis, poot, galit at hinanakit sa ating kapatid? Hindi kaya kailangan nating suriin ng maigi ang ating puso tuwing tayo ay lalapit sa trono ng Diyos ng sa gano’n tayo ay kanyang kalugdan?
Si Esteban na pinagmalupitan ng mga Pariseo at mga pinuno ng kanyang bayan sa oras ng kamatayan nakuha pang ipanalangin ang kanyang mga taga-usig. Ito ay bunga ng Banal na Espiritu na tinutukoy ni Pablo sa kanyang mga sulat sa mga taga-Galacia 5:22-23. Ang bunga ng banal na Espiritu ang kailangan natin para tayo ay magkaroon ng pusong bukal magmahal at magpatawad. Masakit man na batuhin ngunit hindi nakakitaan si Esteban ng kahit na anong hibla ng galit, poot, inis at hinanakit. Ito ang kahanga-hangang bunga na dala nang makita at makasama hindi lang ang Panginoong Jesus ngunit pati na rin ang Banal na Espiritu na ating tunay na tagapagtanggol at tagapag-aliw sa oras ng ating pangangailangan.
Nawa’y mapuspos tayo ng Banal na Espiritu ng makita natin ang Kaluwalhatian ng ating Panginoon na magbibigay sa atin ng kasiguraduhan na humarap man tayo sa peligro, pagdurusa at tiyak na kapahamakan sa kanyang kanlungan tayo makakakita at makakaramdam ng totoong kapayapaan.
Discussion about this post