Muling binanatan ng convenor ng Save Palawan Movement ang mga sumusuporta sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsya.
Tahasan kasing sinabi ni Cynthia Sumagaysagay del Rosario ng Save Palawan Movement sa kaniyang Facebook page na dapat umanong mahimasmasan ang mga munisipyong sumusuporta sa paghahati ng Palawan at dapat umanong pag aralan muna ang pwedeng mangyayari sa kanila.
Ayon pa kay del Rosario, ang katotohanan umano kapag nahati ang lalawigan ay liliit umano ang available resources para sa health, education at infrastructure.
Ito ang nangyari sa mga malilit na probinsiya tulad ng Siquijor, Camiguin, Guimaras, at Biliran kung saan ang mga ito ay nasa fourth or fifth class provinces na maliit ang populasyon kung ikukumpara sa ilang barangay sa National Capital Region.
Dahil umano sa kanilang sukat ay nahihirapan itong mapaunlad ang kanilang ekonomiya.
Matatandaang ilang munisipyo ang naunang nagpahayag ng suporta sa paghahati ng Palawan dahil naniniwala umano sila na ito ang mag-aangat sa kanilang lugar tungo sa minimithing kaunlaran.
Noong nakalipas na buwan, inapbruhan na ng Senado ang ika-tatlo at huling pagbasa ng panukala na hahatiin ang lalawigan sa tatlo at ito ay magiging Palawan Del Norte, Palawan Oriental at Palawan Del Sur.
Naniniwala pa din ang Palawan Provincial Government na ang paghahati ng lalawigan ay magreresulta ng pagdami ng trabaho, pagpapabuti ng local na ekonomiya at pagkaroon ng mas mabilis na serbisyo sa mga malalayong lugar na magiging sakop na ng mga bagong lalawigan.
Discussion about this post